BHRC-BARMM nagsagawa ng groundbreaking Bangsamoro Human Rights Action Center
COTABATO CITY (Ika-9 ng Disyembre, 2024) — Ginanap ang makasaysayang groundbreaking ceremony ng 3-storey building ng Bangsamoro Human Rights Action Center (BHRAC) ngayong araw ng Lunes na itatayo sa National Highway, Barangay Tamontaka Mother dito sa Lungsod.
Ang bagong pasilidad na ito mula sa Special Development Fund (SDF) katuwang ang Office of the Chief Minister (OCM) ay itatayo bilang tugon sa pangangailangan ng komunidad para sa mas matibay na proteksyon at suporta sa karapatang pantao.
Ayon sa Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC), layunin nitong maging kanlungan ng katarungan, kung saan ang bawat mamamayan ay may boses, at ang mga hinaing ay naririnig at inaksyunan.
Ang BHRAC ay magsisilbing sentro ng serbisyong may kaugnayan sa karapatang pantao, kabilang na ang legal na tulong, pagsisiyasat sa mga paglabag, at kampanya para sa edukasyong pangkarapatang pantao, pahayag ng BHRC.
Ito rin ay magpapalakas sa ugnayan ng gobyerno at ng mga Bangsamoro upang maisulong ang katarungan at dignidad para sa lahat. “Sama-sama nating ipagdiwang ang makasaysayang hakbang na ito tungo sa mas maliwanag at makatarungang hinaharap,” pahayag ng BHRC. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)