SUBATRA Program Nagbigay-Suporta sa Pagpapatatag ng Internal Audit Office ng BARMM
COTABATO CITY (Ika-20 ng Nobyembre, 2024) — Patuloy ang pagsuporta ng European Union (EU) sa Bangsamoro Transition sa pamamagitan ng Support to Bangsamoro Transition (SUBATRA) Program, katuwang ang Spanish Agency for International Development Cooperation (AECID). Sa ilalim ng programang ito, mula 2021, natutulungan ang Internal Audit Office (IAO) ng Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCM-BARMM) na palakasin ang kanilang kakayahan sa internal audit at pagpapatakbo ng mas maayos na mga programa.
Kasama sa mga pangunahing aktibidad ang serye ng pagsasanay tungkol sa mga makabagong kaalaman sa pagsasagawa ng internal audit na pinangunahan nina Ms. Edna de Leon mula sa Institute of Internal Auditors Philippines (IIAP) at Dr. Rufo Mendoza, isang kilalang Certified Public Accountant (CPA). Ilan sa mga paksang tinalakay ang Strategic Audit Planning, Internal Audit Engagements, at coaching para sa field audits ng mga pangunahing programa ng BARMM gaya ng Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN), Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG), at Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government (AMBaG).
Nagkaroon din ng natatanging seminar tungkol sa Internal Auditing Standards for the Philippine Public Sector (IASPPS) at Internal Control Standards for the Philippine Public Sector (ICSPPS) sa Commission on Audit (COA) Professional Development Center sa Metro Manila, pati na rin Operational Excellence Learning Study sa rehiyon. Bukod dito, nagkaroon ng benchmarking visit ang IAO sa mga pamahalaang panlalawigan ng Sarangani at South Cotabato upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan.
Kabilang sa inilunsad sa programang ito ang Strategic Internal Audit Plan at Manual. Ipinasa rin ni Dr. Mendoza ang Government Internal Audit Manual, na mahalaga sa pagkakaroon ng maayos na sistema sa auditing ng pamahalaan. Nagdaos din ng Internal Audit Awareness Forum para sa mga opisyal, managers, at mga kawani, na pinangunahan ni Ricardo San Andres, isang Certified Internal Auditor (CIA).
Bukod sa mga pagsasanay, pinagkalooban din ang IAO ng mga kagamitan upang mas mapabuti ang kanilang operasyon. Sa kabuuan, nagpapasalamat ang IAO sa SUBATRA Program para sa mga makabuluhang pagsasanay at gamit na kanilang natanggap na makakatulong sa mas mahusay na pagpapatupad ng kanilang mga tungkulin. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)