Safeguarding the Bangsamoro Votes, Protecting the Election Defenders, Tinalakay sa forum ng WFD
TAGUIG CITY (Ika-19 ng Nobyembre, 2024) — Nagsagawa ng forum ang Westminster Foundation for Democracy (WFD) na may temang “Safeguarding the Bangsamoro Votes vis-a-vis Protecting the Election Defenders,” na ginanap sa Seda BGC Hotel, Taguig City noong ika-17 ng Nobyembre.
Layunin ng forum, talakayin ang mga hakbang para sa pagpapalakas ng seguridad at proteksyon ng mga boto sa rehiyon ng Bangsamoro sa nalalapit na unang parliamentary elections sa rehiyon sa May 12, 2025.
Tinalakay ang mga hakbang upang mapanatili ang integridad ng halalan, makatarungan, ligtas, at transparent na eleksyon sa Bangsamoro, kung saan ang bawat boto ay protektado. Kabilang na mabigyan ng proteksyon ang mga election defenders—mga taong ipinaglalaban ang tapat at transparent na halalan laban sa mga posibleng banta tulad ng karahasan at pananakot. Ang mga defenders na ito ay dapat may sapat na suporta at kaligtasan upang maisagawa ang kanilang tungkulin nang walang takot.
Binuksan ng WFD ang diskusyon hinggil sa mga konkretong solusyon upang mapigilan ang anumang uri ng political violence at iba pang uri ng panlilinlang sa eleksyon. Kasama sa mga tinalakay ay ang pagpapalakas ng ugnayan at koordinasyon ng mga security forces at election monitoring groups upang tiyakin ang kaligtasan ng mga botante at election observers.
Bukod dito, isinulong ng WFD ang mas aktibong papel ng mga lokal na boluntaryo at civil society groups sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagtutok sa mga proseso ng halalan.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, mga miyembro ng media kabilang ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN), civil society organizations (CSOs), mga political parties, at mga ahensya ng gobyerno tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). (Hanadz D. Saban, BMN/BangsamoroToday)