MP Antao, Naglaan ng Mahigit P1M sa Dalawang Ospital para sa mga Residente ng SGA
COTABATO CITY (Ika-19 ng Nobyembre, 2024)— Bilang pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga residente sa Special Geographic Area (SGA) BARMM, naglaan ng PhP1,200,000.00 na pondo ang tanggapan ni MP Mohammad Kelie U. Antao para sa mga ospital sa Kabacan at Midsayap, Cotabato.
Ayon sa kanyang tanggapan, ang pondong ito ay upang matulungan ang mga residenteng nangangailangan ng tulong pinansyal para sa kanilang pagpapagamot.
Mula sa nasabing pondo, PhP700,000.00 ang inilaan sa Deseret Surgimed Hospital, Inc. sa Kabacan, Cotabato, habang PhP500,000.00 naman ang napunta sa Midsayap Diagnostic Center and Hospital, Inc. sa Midsayap, Cotabato.
Ang mga pondong ito ay bahagi ng Medical Outreach Program Fund 2024 ni MP Antao sa ilalim ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay si MP Antao ng suporta sa sektor ng kalusugan ng rehiyon. Matatandaang sa mga nakalipas na buwan, ang Pesante Hospital sa Libungan at Cruzado Hospital sa Pikit ay tumanggap din ng higit isang milyong piso mula kay MP Antao, na nanggaling rin sa kaparehong pondo.
Nais ni MP Antao na mabawasan ang pasanin ng mga Bangsamoro na nahihirapan sa mga gastusing medikal. Sa pamamagitan ng Medical Outreach Program, umaasa siyang makapagbigay ng mas maayos na serbisyong medikal sa mga nangangailangan, lalo na sa mga komunidad na may limitadong kakayahang magpagamot. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)