Senior Minister Maslamama pinangunahan ang sesyon ng Quality Management System sa mga kawani ng OCM-BARMM
COTABATO CITY (Ika-18 ng Nobyembre, 2024)— Binigyang diin ni Senior Minister Abunawas “Von Al-Haq” L. Maslamama ang kahalagahan ng kahusayan at pananagutan sa pagdalo niya sa pagsasagawa ng Quality Management System (QMS) sa mga kawani ng Office of the Chief Minister (OCM) noong ika-13 ng Nobyembre sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Cotabato City.
Sa kanyang mensahe, ipinunto ni Senior Minister Maslamama ang makabagong papel ng QMS sa pagtamo ng mga pangarap ng rehiyon ng Bangsamoro. “Today’s focus on quality management is about much more than procedures—it is about our dedication to the people we serve and the trust they place in us every day. Each one of us here represents the collective strength of our communities,” aniya.
Binanggit din ni Senior Minister Maslamama na ang Quality Management System ay isang pangako sa kahusayan at patuloy na pag-unlad. Hinimok niya ang pagkakaroon ng pananagutan at kahandaan na harapin ang mga hamon, at pinaalalahanan ang mga lider na kahit ang maliliit na pagbabago ay makapaglalapit sa rehiyon sa mithiin ng isang matatag at nagkakaisang Bangsamoro.
Samantala, inilahad ni Assistant Senior Minister Engr. Mohajirin T. Ali, MNSA, ang kanyang pagsuporta sa QMS, dahil sa kahalagahan nito bilang pundasyon ng mahusay na pamamahala.
“Our pursuit of a quality management system is not merely an endeavor. It is a testament to our unwavering commitment to the Bangsamoro people. It is a pledge to deliver services that are efficient, effective, and responsive to the needs of our communities,” ani ASM Ali.
Dinaluhan ng mga kawani ng OCM ang nasabing aktibidad, na nagpapakita ng sama-samang paninindigan ng pamahalaan ng BARMM na isulong ang kahusayan, pananagutan, at pamahalaang may malasakit sa serbisyo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Quality Management System. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)