Joint Task Force on Camp Transformation, Nagsanay ng Conflict Management sa inisyatibo ng PSRO, BDA Inc.

(Litrato mula sa PSRO-OCM BARMM)

COTABATO CITY (Ika-18 ng Nobyembre, 2024) — Pinangunahan ni PSRO Executive Director at MILF-AHJAG Chairman Anwar S. Alamada ang isang mahalagang pagsasanay sa Conflict Sensitivity at Management para sa mga miyembro ng Joint Task Force on Camp Transformation (JTFCT) na ginanap sa Bajada Suites Hotel, Davao City noong ika-14 ng Nobyembre.

Ayon sa PSRO ito bilang bahagi ng Capacity and Institutional Component ng Bangsamoro Camps Transformation Project (BCTP) — isang inisyatiba ng Bangsamoro Development Agency (BDA Inc.) at ng Community and Family Services International (CFSI) na pinondohan ng Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF).

Ang espesyal na pagsasanay na ito, na nilahukan ng 25 piling kinatawan mula sa mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa rehiyong Bangsamoro, ay may layuning palakasin ang kakayahan ng JTFCT sa epektibong pamamahala at paglutas ng mga alitan na maaaring lumitaw sa pag-transforma ng mga dating kampo tungo sa mga komunidad na produktibo, nagkakaisa, at mapayapa.

Sa buong sesyon, binigyang-diin ni Director Anwar S. Alamada ang kahalagahan ng sensitibong pamamaraang may pag-unawa sa lokal na konteksto, paggalang sa uri ng pamumuhay ng mga tao sa komunidad, at pagtataguyod ng inklusibong diyalogo upang maiwasan ang mga hindi pagkakaintindihan at karahasan.

Ang mga kalahok, na kumakatawan sa iba’t ibang kampo ng MILF, ay may mahalagang papel sa proseso ng pagbabago, at ang pagsasanay na ito ay isang hakbang patungo sa pagpapalakas ng kanilang kaalaman at kasanayan para sa kanilang mga tungkulin.

Sa gabay ng PSRO Executive Director Alamada, nagkaroon ng mahahalagang kaalaman ang grupo kung paano matukoy ang mga posibleng sanhi ng alitan, pangasiwaan ang mga tensyon, at isama ang mga estratehiya para sa kapayapaan sa kanilang pang-araw-araw na operasyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MSSD Pinasaya ang Pamilya ng mga Nakakulong sa Marawi City Jail sa Paggunita ng 2024 Bangsamoro Children’s Month
Next post Senior Minister Maslamama pinangunahan ang sesyon ng Quality Management System sa mga kawani ng OCM-BARMM