Sabayang Pagtatanim ng Punongkahoy sa MDN, Isinagawa ng PDRRMO
COTABATO CITY (Ika-14 ng Nobyembre, 2024) — Pinangunahan ni Gobernador Abdulraof A. Macacua, at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang isang Sabayang Pagtatanim ng Punongkahoy sa buong lalawigan ng MDN noong ika-12 ng Nobyembre.
Ang makasaysayang kaganapang ito ay nilahukan ng labindalawang (12) bayan sa Maguindanao del Norte na nagkaisa para sa isang mas luntiang kinabukasan.
Dumalo at nakiisa sa naturang aktibidad ang mga lokal na opisyal, kawani ng pamahalaan, ahensya ng gobyerno, mga organisasyon ng civil society, mga boluntaryo, estudyante, at mga residente mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Layunin ng pagtatanim na ito na palakasin ang kahandaan ng komunidad laban sa mga sakuna at isulong ang pangmatagalang pangangalaga sa kalikasan.
Ang mga punong itinanim ay hindi lamang nagdadala ng panibagong sigla sa kalikasan kundi nagsisilbing proteksyon laban sa mga natural na kalamidad gaya ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang sama-samang hakbang na ito ay simbolo ng pagkakaisa at dedikasyon ng mga mamamayan ng Maguindanao del Norte tungo sa isang matatag at luntiang lalawigan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)