Persons Deprive of Liberty, Sumailalim sa Sustainable Livelihood Program Seminar-Workshop ng BJMP-BARMM at MP Ambolodto
COTABATO CITY (Ika-14 ng Nobyembre, 2024) — Nagsagawa ng seminar-workshop para sa Sustainable Livelihood Program ng Persons Deprived of Liberty” ang Bangsamoro Jail Management and Penology – BARMM katuwang ang tanggapan ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) interim Parliament Member Atty. Teng M Ambolodto, MNSA na nilahukan ng mga piling opisyal mula sa 11 pasilidad sa ilalim ng BJMP-BARMM noong Nobyembre 11-13, 2024.
Ayon sa isang press release, ang aktibidad ay isinagawa sa Sunrise Garden Lake Resort sa Lake Sebu, South Cotabato, na ang opening ceremony ay ginanap sa Golden Lace Resto, Cotabato City.
Sinabi ni MP Ambolodto, ang programa ay suporta sa Therapeutic Community Modality Program, na isa sa mga pangunahing programa sa ilalim ng Behavioral Management/Modification Program ng BJMP na nagsusulong ng positibong pag-iisip at pag-uugali sa mga PDL.
Dagdag naman ni BJMP BARMM Regional Director J/JSSupt Bermar B. Adlaon na ang livelihood programs ay may mahalagang papel sa rehabilitasyon, repormasyon, at pagbabago ng mga PDL.
Aniya, ito ay layuning magbigay ng kasanayan sa mga PDL na magpapaunlad ng kanilang positibong pag-iisip, pro-social values, good decision-making, at epektibong sustainable income sa loob ng pasilidad.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Adlaon kay MP Ambolodto sa kanyang dedikasyon sa pagsuporta sa BJMP-BARMM, sa pamamagitan ng pagbibigay ng developmental opportunities para sa mga PDL.
Dagadag sa press release, ang seminar-workshop ay pinangasiwaan ng The Moropreneur Inc. sa pamamagitan ni Selahuddin Hashim, founder at Chief Executive Director.
Tinalakay dito ang pag-unawa sa entrepreneurship, business planning essentials, financial management basics, product identification at market analysis, enterprise options para sa PDL, operations management, leadership at PDL management, kabilang na ang sustainable growth at action planning.
Ang Gender and Development program ng tanggapan ni MP Ambolodto ay kasalukuyang sumusuporta sa Therapeutic Community Modality Program ng Cotabato City Jail – Female Dormitory (CCJ-FD). (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)