National Government at BARMM, Pinagtibay ang Pagtutulungan sa 9th Intergovernmental Energy Board Meeting

(Litrato mula sa MENRE-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-4 ng Nobyembre, 2024) — Pinagtibay ang pagtutulungan ng National Government at Bangsamoro Government upang tugunan ang mga pangangailangan sa enerhiya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at isulong ang mga makasaysayang proyekto sa sektor ng enerhiya sa ginanap na Intergovernmental Energy Board (IEB) meeting noong ika-29 ng Oktubre sa Quezon City.

Pinangunahan nina Department of Energy (DOE) Undersecretary Giovanni Carlo J. Bacordo at Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) Minister Akmad A. Brahim ang pulong na dinaluhan ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga kinatawan ng Bangsamoro Government, at iba pang mga pangunahing stakeholder upang pag-usapan ang mahahalagang polisiya at proyekto sa enerhiya na may direktang epekto sa rehiyon.

Binigyang-diin ni Undersecretary Bacordo ang kamakailang pagpirma at pagkakaloob ng kauna-unahang Coal Operating Contract ng BARMM noong ika-24 ng Oktubre, na kanyang itinuturing na isang “makasaysayang milestone” para sa upstream energy sector ng rehiyon. Aniya, “Our agenda for BARMM extends beyond coal and renewables. We remain committed to strengthening our collaboration across various sectors, including downstream oil and gas, small-scale coal mining, investment promotion and planning, as well as energy efficiency and conservation.”

Binigyang-pansin din ni Minister Brahim ang kahalagahan ng milestone na ito, na ayon sa kanya ay natamo dahil sa matibay na pagkakaisa ng National Government at Bangsamoro Government.

“Through the continued efforts of our technical working groups and discussions focused on the region’s renewable energy, electric power industry, and the operationalization of energy efficiency policy, we are confident that we are on our path toward impactful solutions,” ayon kay Brahim.

Sa pulong ay tinalakay ang mahahalagang aspeto na kinakailangan para sa pag-unlad ng sektor ng enerhiya ng BARMM. Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapalakas ng mga regulasyon para sa upstream conventional energy, pagtugon sa pangangailangan ng kuryente at elektripikasyon, at pagsusulong ng eksplorasyon, pag-develop, at paggamit ng renewable energy sa rehiyon.

Binigyang-diin din ng board ang pagpapabuti ng regulatory environment para sa downstream oil and gas, pagpapasigla sa pamumuhunan upang mapaunlad ang sektor, at pagsuporta sa small-scale coal mining na makapagbibigay ng trabaho at magpapaunlad sa lokal na ekonomiya.

Kabilang sa iba pang mga prayoridad ang pagsusulong ng energy efficiency measures, pag-develop ng mga komprehensibong estratehiya sa regional at local energy planning, at pagtiyak sa pangmatagalang sustainability upang matulungan ang BARMM na makamit ang isang ligtas, matatag, at inklusibong energy system. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MOST Sinuri ang Epektibong Paggamit ng STARBOOKS, Laboratory Equipment sa Maguindanao at SGA High Schools
Next post Religious Leaders in South Korea Demand Upholding of Religious Freedom and Human Rights