MOST Sinuri ang Epektibong Paggamit ng STARBOOKS, Laboratory Equipment sa Maguindanao at SGA High Schools

(Litrato mula sa MOST-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-2 ng Nobyembre, 2024) — Nagsagawa ang Science Education Section ng Ministry of Science and Technology (MOST) ng dalawang araw na project assessment at evaluation upang masubaybayan ang pagpapatupad at paggamit ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosks (STARBOOKS) at mga kagamitang pang-science laboratory sa mga piling paaralan sa North Cotabato Special Geographic Area (SGA) at Maguindanao.

Nagpakita ng positibong resulta ang evaluation, kung saan karamihan sa mga paaralan ay matagumpay na nagagamit ang mga laboratory apparatus na ibinigay ng MOST. Ayon sa mga guro at opisyal ng paaralan, malaking tulong ang mga kagamitan tulad ng cell development models at mga modelo ng human body system sa pagpapataas ng interes ng mga estudyante sa science sa pamamagitan ng mga interactive at tunay na karanasan sa pag-aaral.

Bagama’t matagumpay na tinanggap ang STARBOOKS units, tatlong paaralan ang hindi pa naia-activate ang kanilang mga yunit dahil sa pagkaantala ng pagdating ng mga ito at pangangailangan ng karagdagang pagsasanay para sa mga nakatalagang Super-Users. Sa mga paaralan na matagumpay na nailunsad ang STARBOOKS, mataas ang kasiyahan ng mga estudyante, at ginagamit na nila ang mga aplikasyon nito sa kanilang mga aralin.

Isa sa mga pinakamahusay na kasanayan na natukoy sa monitoring ay ang paggamit ng logbooks sa mga laboratory storage area upang subaybayan ang mga hiniram na kagamitan. Ito ay nagbibigay ng transparency at kumpirmasyon sa aktibong paggamit ng mga resources. Isinagawa noong ika-21 hanggang ika-24 ng Oktubre ang programa. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 4Ps beneficiaries sa BARMM, Makikinabang sa Nilagdaang Kasunduan ng MBHTE at MSSD
Next post National Government at BARMM, Pinagtibay ang Pagtutulungan sa 9th Intergovernmental Energy Board Meeting