IDPs, BIAF-MILF Transitioning Combatants, Tinutulungan ng PSRO
COTABATO CITY (Ika-29 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ang Peace, Security, and Reconciliation Office (PSRO) ng Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCM-BARMM) ng mga mahahalagang pagsasanay noong ika-14 hanggang ika-18 ng Oktubre. Ang mga ito ay ang “IDP Protection Mainstreaming and Durable Solutions Training Equips PSRO and MILF-BIAF Base Commanders” at “Planning and Needs Assessment for Transitioning Combatants.”
Kasama sa pagsasanay ang United Nations Development Program (UNDP), International Organization for Migration (IOM), United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), United Nations Philippines, at Peacebuilding Fund.
Sa programang ito, ipinakilala sa mga combatants ng MILF-BIAF ang konsepto ng mga “durable solutions” o pangmatagalang solusyon sa mga hamon ng mga internally displaced persons (IDPs). Kabilang ang ligtas na pagbabalik sa mga komunidad, lokal na integrasyon, o pag-resettle ng mga IDPs.
Tinuruan ang mga kalahok kung paano suriin ang partikular na pangangailangan ng mga apektadong komunidad at kung paano magpatupad ng mga programang magtataguyod ng katatagan at pagbangon ng mga ito.
Nakapaloob sa mga aktibidad na ito ang mas malalim na pananaw ukol sa kapayapaan para sa kapakanan ng mga lumikas na indibidwal at ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga MILF-BIAF combatants. Layunin nito na mabigyan ng sapat na kasanayan ang mga lider ng PSRO at mga Base Commanders ng MILF-BIAF upang sila ay maging epektibong tagapagtanggol ng kapayapaan at katatagan sa kani-kanilang nasasakupan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)