UBJP Party President Ebrahim, Pinangunahan ang Party Convention
COTABATO CITY (Ika-28 ng Oktubre, 2024) — Isinagawa ngayong araw ng Lunes ang makasaysayang Party Convention ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), na ayon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) political party ay upang opisyal na maihalal ang apatnapung (40) nominees ng partido at maiproklama ang district representatives ng UBJP sa iba’t ibang distrito ng mga lalawigan sa BARMM.
Ang UBJP Party President Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang nanguna sa isinagawang sesyon at nagsilbing presiding officer nito, ayon pa sa ulat.
Sinaksihan naman ng mga Assessor mula sa Commission on Elections (COMELEC) ang naging proseso ng Party Convention kung saan opisyal na inihalal ang mga party nominees ng UBJP, pahayag pa ng UBJP.
“Ang pagsasagawa ng aktibidad na ito ay bilang commitment ng UBJP alinsunod sa mandatory activities na nakasaad sa Bangsamoro Electoral Code,” paliwanag ng UBJP.
Ayon sa UBJP, aabangan ang paglabas ng opisyal na listahan ng mga nominado at district representatives sa ilalim ng partido pagkatapos ng paghahain ng mga ito ng Certificate of Candidacy (CoC) sa susunod na linggo.
Nasa party convention din ang Vice President for Central Mindanao Mohagher M. Iqbal na sinasabing kararating lamang mula sa ibang bansa upang lumahok sa pagtitipon. Nanduon din ang matatatas na opisyales ng UBJP. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)