7 Paaralan sa BARMM, Nagtagisan sa Rehiyonal na Bangsamoro Science at Mathematics Olympiad
COTABATO CITY (Ika-24 ng Oktubre, 2024) — Pitong mataas na paaralan mula sa rehiyon ng Bangsamoro ang lumahok sa Rehiyonal na Bangsamoro Science at Mathematics Olympiad bilang bahagi ng Science and Technology Week ngayong taon. Ginanap ang kompetisyon sa EM Manor Hotel and Convention Center na dinaluhan ng mga eskwelahan mula sa Cotabato City, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Special Geographic Area ng BARMM.
Kabilang sa mga lumahok ang Cotabato City National High School Main, Albert Einstein School, Inc., Notre Dame Village National High School, Olandang National High School, Manuangan High School Datu Binasing Annex, Kibayao High School, at Notre Dame of Parang, Inc.
Sa mensahe ni Engr. Abdulrakman Asim, Bangsamoro Director-General ng MOST, hinikayat niya ang mga mag-aaral na makita ang kanilang sarili bilang mga hinaharap na siyentipiko ng Bangsamoro. Aniya, “Here in the Ministry of Science and Technology, our vision is aligned with molding Bangsamoro scientists. We are happy because you, the students, are potential Bangsamoro scientists. So, do your best. In any contest, there will be winners and losers. To the winners, congratulations, and to those who don’t win, better luck next time. Remember, failure is not really a failure; it is an initial step toward success.”
Sa pagtatapos ng kompetisyon, ipinagkaloob ang mga gantimpala sa mga nagwagi. Ang mga sumusunod ang nag-uwi ng mga parangal 1st Place: Albert Einstein School, Inc. PhP12,000.00, 2nd Place: Notre Dame of Parang, Inc. PhP9,000.00, 3rd Place: Cotabato City National High School Main Campus PhP6,000.00. Ang mga hindi nagwagi ay nakatanggap ng consolation prize na PhP3,000.00 bawat isa.
Ang Rehiyonal na Bangsamoro Science at Mathematics Olympiad ay inisyatiba upang mapalakas ang academic excellence, paghikayat ng kompetisyon, at pagpapaunlad ng mga talento ng mga mag-aaral sa Science at Mathematics. Layunin din nitong ihanda ang mga kabataan para sa mga hamon ng hinaharap at palakasin ang kanilang pagmamalaki sa rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)