UBJP SGA Chapter, Pinalalakas ang Estratehiya sa Paghahanda para sa 2025 Parliamentary Elections
COTABATO CITY (Ika-23 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ng Orientation Workshop ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Special Geographic Area bilang paghahanda para sa Bangsamoro Electoral Code at VOICE of 2025 noong ika-18 ng Oktubre, sa Hill Park, Midsayap, Cotabato.
Ang workshop na ito ay naglalayong palakasin ang estratehiya ng partido upang suportahan ang kanilang political campaign sa buong rehiyon ng BARMM, lalo na sa mga lugar na nasasakupan ng SGA. Isa sa pangunahing layunin ng aktibidad, ayon pa sa UBJP, ay ang mas mapalawak ang kaalaman ng mamamayan tungkol sa UBJP at masigurong aktibong makikilahok ang bawat isa sa paparating na halalan.
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang ilang mga mahahalagang opisyal ng UBJP, kabilang si Assistant Secretary Nas Dunding mula sa Office of the Party President at si Suharto Esmael, Deputy Information Officer mula sa regional office ng partido. Kasama rin ang mga lider mula sa iba’t ibang sektor sa SGA, party workers, campaign strategists, at mga miyembro ng komunidad.
Ipinahayag ng UBJP SGA Chapter ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng mga programa ng partido upang makamit ang inaasam na tagumpay sa halalan at patuloy na maglingkod para sa kapakanan ng mga Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)