Two-storey public market, pormal ng ibinigay ng Bangsamoro Govt. sa Buldon, MDN
COTABATO CITY (Ika-22 ng Oktubre, 2024) — Ibinigay na ng Bangsamoro Government ang pangangasiwa sa public market building sa lokal na pamahalaan ng Buldon, Maguindanao del Norte kahapon sa isinagawang turn-over ceremony ng tanggapan ni MDN Governor Abdulraof “Gob Sam” Macacua na dumalo din sa programa.
Ang two-storey public market, ay pinondohan sa lalim ng Ministry of Interior and Local Government (MILG) na layuning mapabilis ang pag-usbong lng ekonomiya ng bayan ng Buldon sa pamamagitan ng kita nito sa makokolektang buwis.
Ang proyektong ito ay naglalayon na tulungan ang mga LGU na bigyan ang kanilang mga nasasakupan ng mas mahusay na access sa marketing at mga oportunidad sa trabaho.
Nais ni Gobernador Macacua na ang pampublikong pamilihan ay patuloy na magsilbi sa layuning pampubliko nito at pataasin ang mga aktibidad sa ekonomiya ng munisipyo, na kabilang sa 12-Point Priority Agenda ni BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim.
“Sana, itong public market na nakikita niyo, mapaunlad ang ekonomiya ng Buldon. Kailangang gamitin ang market na ito ng inyong mga constituents dahil mas mapapalago nito ang ekonomiya ninyo,” ayon pa kay Gob Sam.
Sinabi naman ng Deputy Minister ng MILG na si Ibrahim Ibay na ang public market ay magsisilbi ring karagdagang kita ng mga mamamayan ng Buldon.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Pahmia Manalao-Masurong sa gobyerno ng BARMM. Sinabi niya na ang bagong public market na ito ay magpapahusay sa mga kondisyon ng kalakalan at mapabuti ang kalidad ng buhay na residente ng Buldon. (Hasna U Bacol, at Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)