Bangsamoro Human Rights Commission, UNICEF tinutukan ang Pagprotekta sa Karapatan ng mga Bata sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-22 ng Oktubre, 2024) — Maayos na tinanggap ng Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) ang mga opisyal mula sa UNICEF, pinangunahan ni Andreas Wuesternberg, ang Chief ng Mindanao Field Office ng UNICEF, para sa isang mahalagang pagpupulong na naganap sa Regional Conference Room ng BHRC dito sa lungsod.
Napag-usapan sa meeting ang patuloy na magandang relasyon ng BHRC at UNICEF, partikular sa pagharap sa mga kaso na may kaugnayan sa karapatan ng mga bata sa rehiyong Bangsamoro. Pinagtibay ng magkabilang panig ang kanilang sama-samang hangarin na protektahan at isulong ang kapakanan ng mga batang Bangsamoro, upang masiguro ang kanilang karapatan sa kaligtasan, edukasyon, at kalusugan.
Ang pagpupulong ay nagsilbi rin bilang paghahanda para sa nalalapit na BHRC, UNICEF, at Committee on the Rights of the Child (CRC) Coordination Meeting na nakatakdang ganapin ngayong araw ika-22 ng Oktubre. Ang mahalagang pagpupulong na ito ay magpapalakas sa ugnayan ng mga pangunahing organisasyon sa kanilang pagtutulungan upang makabuo ng mga epektibong estratehiya, polisiya, at programa na direktang tutugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga bata sa BARMM.
Inaasahan ng BHRC ang patuloy na pakikipag-ugnayan at mga inisyatibo na magbibigay-daan sa mas ligtas at mas mahalagang kapaligiran para sa lahat ng batang Bangsamoro. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)