MP Atty. Ambolodto, Nababahala sa Pagtanggal sa 3,000 Empleyado ng Cotabato City LGU
COTABATO CITY (Ika-21 ng Oktubre 2024) — Nagsusumamong nakikiusap si Atty. Teng Ambolodto, kasapi ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Committee on Local Government (CLG) na agad na magpulong at tingnan ang malawakang pagtatangal ng 3,000 empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato, ito ang laman ng kanyang pahayag sa isang Press Release araw ng Linggo.
Nagpahayag ng matinding pagkabahala si MP Teng sa mga maaring pangmatagalang negatibong kahihinatnan ng pagpapatalsik ng libu-libong manggagawa sa Lungsod ng Cotabato.
Ayon kay MP Teng, kinakailangang agad na maaksyonan ang nasabing isyu.
“Ang biglaang pagtanggal sa libu-libong empleyado ay isang malaking dagok hindi lamang para sa Lungsod ng Cotabato, kundi pati na rin sa serbisyong publiko at sa lokal na ekonomiya” pahayag ni MP Teng.
Sinabi ni MP Teng na kinakailangang madaliin ang isang masusing pagsisiyasat para sa kapakanan ng mga apektadong empleyado, paghahatid ng mga serbisyong pampubliko, lokal na ekonomiya at sa pangkalahatang katatagan ng Cotabato City.
Nagdulot ng kontrobersiya ang malawakang tanggalan, na inihayag ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali C. Matabalao noong ika-17 ng Oktubre, 2024.
Tinukoy ng pamahalaang lungsod ang kakulangan ng karagdagang budget mula sa Sangguniang Panlungsod (SP) bilang dahilan ng pagkakatanggal ng 3,000 na city employees.
Kaugnay ng kahilingan ng Bangsamoro Parliament, sinabi ni Mayor Matabalao na welcome anya sa Executive Department ang aksyon ng BTA parliament, “Sana ay gawin nila ang pagdinig sa lalong madaling panahon at maimbitahan din ang MILG at DBM para matapos na ito.”
Subalit bago pa man sana ang pagdinig na ito, ayon kay Mayor Matabalao, ay “may approval o disapproval na sana ang Sanggunian bilang aksyon sa mga pending na usapin sa kanilang tanggapan.”
Samantala, dagdag na impormasyon sa press release ng tanggapan ni MP Teng na “ipinahayag naman ni City Vice-Mayor Johari C. Abu na naglaan na ng pondo ang SP para sa sahod ng mga empleyado.” (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)