Serbisyo ng MSSD-BARMM, Umarangkada para sa Bangsamorong Meranao sa LDS
COTABATO CITY (Ika 19 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ng payout ang Ministry of Social Services and Development (MSSD), sa pamamagitan ng Lanao del Sur A Provincial Office, para sa mga benepisyaryo ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program sa Wao noong ika-16 ng Oktubre, sa Extension Covered Korte, Wao, Lanao del Sur.
May kabuuang 117 Unlad beneficiaries ang nakatanggap ng rice subsidy grant na nagkakahalaga ng PhP3,600 bawat isa, na sumasakop sa kanilang buwanang subsidy na PhP1,200 para sa ikatlong quarter ng taon.
Layunin ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program na magbigay ng tulong pinansyal sa mga mahihinang pamilya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang rice subsidy ay isang mahalagang bahagi ng programa, na tumutulong sa mga pamilya na matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pagkain at mapabuti ang kanilang pangkalahatang kagalingan.
Sa pagpapatuloy ng serbisyo ng MSSD, may kabuuang 35 pamilya na naapektuhan ng insidente ng sunog sa munisipalidad ng Marogong, Lanao del Sur, ang nakatanggap ng tulon noong ika-12 ng Oktubre .
Binigyan ng MSSD ang bawat sambahayan ng mga welfare goods tulad ng 25 kilo ng bigas, food packs na naglalaman ng sari-saring delata at instant coffee, dignity kits, sleeping kits, trapal, hygiene kits (pamilya), cooking kits, water containers, aquatabs, walis tingting, at 15 infant kits para sa mga sambahayan na may mga sanggol.
Ang interbensyon na ito ay ipinatupad sa ilalim ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng MSSD, na nagbibigay ng agarang suporta sa mga indibidwal at pamilyang nahaharap sa mga krisis at mga sitwasyong pang-emergency.
Umabot naman ng 112 ang benepisyaryo ng Bangsamoro Sagip Kabuhayan (BSK) Program sa loob ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program ng MSSD sa Balindong, Lanao del Sur.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP 7,200, na sumasakop sa kanilang buwanang subsidy na PhP1,200 para sa ikalawa at ikatlong quarter ng 2024.
Ang BSK Program na bahagi ng Unlad initiative na naglalayong mapabuti ang kapakanan ng mga mahihirap at mahihinang sambahayan sa rehiyon ng Bangsamoro sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagsasanay at seed capital, gayundin ang suporta para sa nutrisyon at edukasyon . Sa pamamagitan ng programang ito, matututunan ng mga benepisyaryo kung paano palaguin ang kanilang mga resources hanggang sa makamit nila ang self-sufficiency.
Ang MSSD, sa pamamagitan ng Masiu Municipal Social Welfare Office, ay nagsagawa din ng house-to-house payout ng financial assistance sa 16 case-managed na ulilang mga bata o “yatim” sa Masiu, Lanao del Sur, noong ika-7 ng Oktubre..
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP15,000, na sumasakop sa kanilang buwanang subsidy na PhP5,000 para sa ikalawang quarter ng 2024.
Ang tulong na pera na ito ay bahagi ng Kupkop Program, na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga batang ulila sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal na suporta para sa kanilang pang-araw-araw na pangunahing pangangailangan.
Isinaalang-alang din ng MSSD ang balanseng nutrisyon ng mga bata, pag-access sa edukasyon, malusog na pamumuhay, at mga alternatibong kaayusan sa pangangalaga.
Matagumpay naman na naipamahagi ng MSSD Calanogas Unit Office ang mga hygiene kits sa 60 daycare learners mula sa tatlong Child Development Centers (CDCs) sa mga barangay ng Pagawalupa, Pantaon, at Pikan, sa bayan ng Calanogas, Lanao del Sur B na isinagawa noong ika-3 ng Oktubre.
Ang bawat hygiene kit ay naglalaman ng storage box na may hawakan, baby bath soap, toothbrush, kiddie toothpaste, nail cutter na may kasamang nail file, alcohol, tsinelas, face masks, suklay, wet wipes, face towel, at baby powder.
Bahagi ito ng Early Childhood Care and Development (ECCD) interventions ng Ministry, sa ilalim ng Child and Youth Welfare Program (CYWP), na may layuning mabigyan ng mga mahahalagang gamit sa kalinisan ang mga daycare learners. Sa pamamagitan nito, isinusulong ng MSSD ang kalinisan at kalusugan ng mga bata sa kanilang unang yugto ng edukasyon. (Tu Alid Alfonso, at Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)