MBHTE tuloy ang konstruksyon ng School building sa BARMM; DG Salik, Dumalo sa Bangsamoro Science and Technology Week Program
COTABATO CITY (Ika-17 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ng ground breaking ceremony ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) para sa pagtatayo ng dalawang (2) isang palapag na may dalawang silid-aralan na gusali sa Kayaga Elementary School sa Pandag and Tamar Elementary School naman sa Brgy. Tamar, Talayan, Maguindanao del Sur noong ika-14 ng Oktubre.
Ang proyektong ito ay pinondohan sa ilalim ng GAAB 2024, na may kabuuang halaga na PhP10,163,179.73.
Ibinigay din ng MBHTE ang bagong school building na may isang palapag at dalawang silid-aralan sa Timuay Tata-a Muba Elementary School sa Barangay Looy, South Upi noong ika-10 ng Oktubre na nagkakahalaga ng PhP4,570,972.83, mula sa pondo ng FY 2021 SDF Cluster III.
Ayon pa sa MBHTE, sa pangunguna ni Minister Mohagher M. Iqbal, ang bagong gusali ay naglalayong magbigay ng mas maayos at komportableng kapaligiran sa pag-aaral para sa mga mag-aaral sa rehiyon. Sa pamamagitan nito, mas pinapalapit ang layuning mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat kabataang Bangsamoro.
Samantala, dumalo naman si MBHTE Basic Education Director General Abdullah “Junn” P. Salik, Jr. sa pagbubukas ng Bangsamoro Science and Technology Week (BSTW) ng Ministry of Science and Technology (MOST)noong ika-16 ng Oktubre na ginanap sa Cotabato State University, Cotabato City upang ihatid ang mensahe ni Minister Iqbal sa programa.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Harnessing Science, Technology, and Innovation: Unlocking Bangsamoro’s Potential for Sustainable Development.”
Ang BSTW ay naglalayong itampok ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at inobasyon bilang mga susi sa pagsulong at pagpapanatili ng kaunlaran sa Bangsamoro.
Dumalo rin sa seremonya ang iba’t ibang opisyal, guro, at mga estudyante mula sa rehiyon upang suportahan ang layunin ng programa na itaguyod ang agham at teknolohiya sa edukasyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, at Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)