MIPA, Nagsagawa ng Paralegal Training sa North Upi
COTABATO CITY (Ika-16 ng Oktubre, 2024) — Nagsagawa ang Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs, sa pamamagitan ng Special Public Assistance and Legal Aid Division (SPALAD) ng isang Paralegal Training Workshop noong ika-15 ng Oktubre na nilahukan ng mga miyembro ng Tribal Council mula sa iba’t ibang barangay ng North Upi, Maguindanao del Norte.
Layunin ng aktibidad na ito na turuan ang mga lider ng tribu sa mga pangunahing proseso ng legal sa regular na hukuman at palakasin ang kanilang kakayahan sa paghahatol ng alitan gamit ang tradisyunal o tribal na sistema ng hustisya. Dagdag pa rito, pinagsusumikapan din ng pagsasanay na ito na pag-isahin ang mainstream na legal na proseso at ang mga nakasanayang pamamaraan ng mga katutubo sa pagsasaayos ng mga alitan sa pagitan ng mga miyembro ng Indigenous Peoples (IP).
Sa nasabing aktibidad, tinuruan ang mga partisipante kung paano magdokumento ng mga sa pagresolba ng mga alitan gamit ang mga batas ng kanilang tribu, gayundin ang paggawa ng mga kasunduan sa pamamagitan ng amicable settlement.
Buong-puso namang ipinahayag ng mga partisipante ang kanilang pasasalamat sa Ministry. Ayon sa kanila, marami silang natutunan mula sa nasabing pagsasanay, at handa silang gamitin ang mga bagong kaalamang ito sa mas mabisa at epektibong paglutas ng mga alitan sa kanilang mga komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)