MENRE nagsagawa ng rapid assessment sa mga uri ng flora at fauna sa Malum Watershed ng Tawi-Tawi
COTABATO CITY (Ika-16 ng Oktubre, 2024) — Isinagawa kamakailan ng Biodiversity, Ecosystems, Research, and Development Services (BERDS), sa pangunguna ng Protected Area Management Division (PAMD), ang isang rapid assessment ng mga katutubo at invasive alien species ng flora at fauna mula ika- 6 hanggang ika-14 ng Oktubre sa Malum Watershed, Panglima Sugala, Tawi-Tawi, BARMM.
Ayon pa sa Menre, layunin ng naturang assessment na suriin ang kalagayan ng mga species at ng watershed area bilang bahagi ng pagsisikap na bumuo ng mga hakbang sa konserbasyon at proteksyon, gayundin ng isang plano sa pag-unlad para sa lugar. Kilala ang Malum Watershed sa kasaganaan nito ng mga flora at iba’t ibang tirahan ng mga hayop, kabilang na ang ilang critically endangered, rare, o threatened species. Sa ginawang assessment, natukoy ang mga katutubong uri ng flora gaya ng Lingo-lingo at Pakiling, pati na rin ang invasive species na Kabuyan Negro.
Kabilang sa mga opisyal at kalahok sa aktibidad sina Senior Ecosystem Management Specialist Joharie U. Diao, Fahad L. Talib, Arham O. Ramalan, Zassen E. Maguid, Isnairie B. Baulo, at Shaina Mangulamas.
Sa mga susunod na hakbang, balak ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE), kasama ang mga field offices, na magsagawa ng mga karagdagang pag-aaral sa lugar, kabilang ang protected area occupants survey, ethnographic study, at resource profiling upang makabuo ng isang komprehensibong plano sa konserbasyon at pag-unlad para sa Malum Watershed. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)