UBJP Lanao del Sur Candidates, Nanumpa bilang Opisyal na Kandidato ng Partido para sa 2025 Elections
COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre, 2024) — Pinangunahan ni UBJP President Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, kasama sina UBJP Vice President for Women Engr. Aida Silongan at UBJP Chairperson for Arbitral Committee Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, ang isang mahalagang pagpupulong kasama ang Provincial Slate ng Lanao del Sur bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa darating na 2025 Elections na isinagawa kahapon ika-13 ng Oktubre.
Sa nasabing pagpupulong, tinalakay ang mga hakbang at estratehiya na isasagawa ng UBJP upang maisulong ang kanilang mga adbokasiya sa buong lalawigan. Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ay ang pagpapalakas ng kanilang kampanya upang mas maiparating sa mga mamamayan ang mga layunin ng partido sa pagpapabuti ng buhay sa Lanao del Sur.
Bilang bahagi ng pagtitipon, isang oath-taking ceremony ang idinaos para sa mga opisyal na kandidato ng UBJP Lanao del Sur. Ang mga kandidatong ito ang opisyal na kinikilala at inendorso ng partido na magdadala ng kanilang mga adbokasiya sa mga botante ng Lanao del Sur.
Pinangunahan ni UBJP Provincial Chief Executive Officer for Lanao del Sur Marjanie Mimbantas-Macasalong, na opisyal na kandidato para sa pagka-bise gobernador, ang mga bagong nanumpang kandidato. Kasama rin si Rolan Abdul Rashid “Fiat” A. Macarambon, dating Assemblyman ng 1st District ng Lanao del Sur, na opisyal namang kandidato ng UBJP para sa posisyon ng gobernador.
Ang mga bagong nanumpang kandidato ng UBJP ay nagsisilbing mga kinatawan ng partido na magsusulong ng kanilang mga prinsipyo at adbokasiya sa nalalapit na halalan. Sa pamumuno ng kanilang mga kandidato, patuloy na isinusulong ng UBJP ang kanilang layuning maghatid ng tunay at may prinsipyong paglilingkod sa mga mamamayan ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)