Pamahalaang National at Bangsamoro, Nagsagawa ng Ika-20 Intergovernmental Relations Body Meeting
COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre,2024) — Matagumpay na idinaos ang ika-20 Intergovernmental Relations Body (IGRB) meeting sa pagitan ng mga kinatawan mula sa Pamahalaan Nasyonal at Pamahalaang Bangsamoro na layuning itaguyod ang pang-ekonomiyang kaunlaran ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), habang pinapalakas ang patuloy na diyalogo at kooperasyon ng dalawang panig.
Binigyang-diin ni Department of Budget and Management Secretary at IGRB Co-chair Amenah Pangandaman ang kahalagahan ng IGRB sa pagpapanatili ng mga natamong tagumpay sa BARMM. Ayon kay Pangandaman, mahalaga ang sama-samang adhikain tungo sa isang matatag at maunlad na rehiyon ng Bangsamoro.
Ang IGRB ay itinatag sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL) bilang tulay sa pagitan ng dalawang pamahalaan upang masiguro ang isang pinagkaisang pamamaraan sa pamamahala at pagpapaunlad ng BARMM. Sa pamamagitan ng regular na konsultasyon at di-adversaryal na negosasyon, natutugunan ng IGRB ang mga mahahalagang isyu sa rehiyon.
Kabilang sa mga dumalo sa meeting ay sina BARMM Education Minister at IGRB Co-chair Mohagher M. Iqbal, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez Jr., at Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr.
Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Nasyonal at Pamahalaang Bangsamoro, na lahat ay naglalayong isulong ang pagkakaisa sa pamamahala at pag-unlad ng BARMM. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)