MSSD Inilunsad ang Dakila Program sa Upi, 6K Pinansiyal na Tulong Ipinamahagi sa 80 Solo Parents
COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre, 2024)— Inilunsad ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamamagitan ng Provincial Office ng Maguindanao del Norte ang Dakila Program sa bayan ng Upi, Maguindanao del Norte noong ika-10 ng Oktubre para sa kapakanan ng 80 solo parents na idinaos sa Upi Municipal Conference Hall.
Kasama sa paglulunsad ang pagbibigay ng oryentasyon tungkol sa mga patakaran ng programa at mga serbisyong iniaalok sa mga benepisyaryo.
Bawat isa sa 80 solo parents na benepisyaryo ay tumanggap ng PhP6,000 na cash assistance, na sumasalamin sa buwanang subsidiya na PhP1,000 para sa unang semestre ng taon.
Ang Dakila Program ay isang pangunahing inisyatibo ng MSSD sa ilalim ng Family and Community Welfare Program. Layunin nito na suportahan ang mga kwalipikadong solo parents sa pamamagitan ng buwanang pinansiyal na tulong na PhP1,000, kasama ang iba pang mga interbensiyong panlipunan na tinutukoy matapos ang masusing pagsusuri at beripikasyon ng mga social workers. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)