MDN Prov’l Gov. Macacua, Nagsagawa ng Turn Over ng mga Natapos na Proyekto sa Bayan ng Upi
COTABATO CITY (Ika-14 ng Oktubre, 2024) — Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office (PEO), isinagawa noong ika-11 ng Oktubre ang “Turn Over Ceremony” ng mga Natapos na Proyekto” sa bayan ng Upi.
Ang seremonya ay dinaluhan ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua, kasama sina Mayor Ma. Rona Cristina Flores ng Upi at Provincial Administrator Dr Tomanda Antok, upang opisyal na ilunsad ang mga proyektong kinabibilangan ng konstruksyon ng bagong landmark, pagpapasemento ng kalsada sa Purok 14 Notre Dame site, at pagpapasemento ng kalsada sa Barangay Renede.
Ang mga proyektong ito ay bahagi ng 7-point executive agenda ni Gobernador Macacua, na naglalayong mapabuti ang pamumuhay ng bawat mamamayan ng probinsya. Ayon sa gobernador, inaasahang magdadala ang mga proyektong ito ng mas magandang kalidad ng buhay para sa mga residente, gayundin ng pagpapalakas sa aktibidad pang-ekonomiya sa lugar.
Dagdag pa ni Gobernador Macacua, maraming mahahalagang proyektong pang-imprastruktura pa ang inaasahang matatapos bago magtapos ang kanyang termino.
Samantala, ipinahayag ni Mayor Flores ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan at kay Gobernador Macacua. Ayon sa kanya, malaki ang magiging epekto ng mga proyektong ito sa pamumuhay ng mga residente ng Upi at mag-aambag sa kabuuang pag-unlad ng kanilang bayan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)