BTA Parliament Pinagtibay ang Pagbuo ng Kutawato Province sa SGA
COTABATO CITY (Ika-1 ng October, 2024) — Inaprubahan kamakailan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang Committee Report No. 85 ng Committee on Local Government (CLG) na ipinresenta ni CLG Chair Atty. Raissa H. Jajurie. Kasabay nito, tuluyan nang pinagtibay ang Consolidated Proposed Resolution Nos. 138 at 420, na naglalayong itatag ang Kutawato Province sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang nasabing committee report ay naglalaman ng mga napagkasunduang diskusyon hinggil sa dalawang resolusyon. Ang layunin nito ay bigyang-daan ang pagkakabuo ng Kutawato Province, na bubuuin ng walong bagong tatag na bayan sa SGA. Ito ay makakatulong sa pagpapalakas ng lokal na pamahalaan at pagpapadali ng serbisyo para sa mga residente ng nasabing lugar.
Isa sa mga resolusyong ito ay mula sa tanggapan ni Member of Parliament (MP) Mohammad Kelie U. Antao, na isinumite noong kasagsagan ng talakayan sa pagtatatag ng mga Local Government Units (LGUs) sa SGA. Ayon kay MP Antao, mahalagang maitatag na ang mga istrukturang pampamahalaan sa SGA upang mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente at mapadali ang sistema ng koordinasyon para sa paghahatid ng mga serbisyong publiko.
Ang pagpapatibay ng mga resolusyon ay isang malaking hakbang tungo sa mas maayos na pamamahala at pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng SGA, partikular na sa pagtatatag ng bagong probinsya ng Kutawato. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)