MOST-BARMM, CFSI Nagsagawa ng Pagsasanay sa Kaligtasan sa Pagkain at Halal Awareness para sa MILF Camps
COTABATO CITY (Ika-30 ng Setyembre, 2024) — Ang Ministry of Science and Technology ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOST-BARMM), sa pakikipagtulungan ng Community and Family Services International (CFSI), ay matagumpay na nagsagawa ng serye ng crash course trainings tungkol sa Good Manufacturing Practices (GMP), kaligtasan sa pagkain, at Halal awareness sa iba’t ibang kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula Agosto hanggang Setyembre 2024 sa mga lalawigan ng mainland Mindanao.
Kasama rin sa programa ang maikling talakayan tungkol sa proseso ng aplikasyon sa Food and Drug Administration (FDA) sa antas ng komunidad.
Ayon pa sa MOST, ang inisyatibang ito y bahagi ng Communities for Learning and Employment Project (CLEP), ay naglalayong bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga kalahok upang matiyak ang kaligtasan sa pagkain at pagsunod sa mga pamantayan ng Halal. Layunin din nitong magtaguyod ng kapayapaan at pangmatagalang kaunlaran sa mga kampo ng MILF. Nakatuon ang proyekto sa mga kabataan, lalo na sa kababaihan, upang hikayatin sila na sumailalim sa mga pagsasanay na teknikal o bokasyonal.
Ang mga sesyon ng pagsasanay ay isinagawa sa iba’t ibang kampo, kabilang ang Camp Omar, Camp Rajamuda, Camp Bushra, at Camp Bilal at dinaluhan ng mga lokal na yunit ng pamahalaan, Joint Task Forces on Camps Transformation (JTFCT), mga kinatawan mula sa MOST-BARMM at CFSI. Binigyang-diin sa mga sesyon ang kahalagahan ng kaligtasan sa pagkain sa mga community-based na negosyo tulad ng paggawa ng buko pie, sago noodles, suka, at palapa mga produktong ginagawa ng mga kooperatiba sa mga kampo.
Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, natuto ang mga kalahok, na karamihan ay kasali sa mga gawain ng pagpoproseso ng pagkain at mga pangkabuhayan, ng mga praktikal na paraan upang maiwasan ang panganib sa pagkain at makagawa ng ligtas at de-kalidad na mga produkto para sa lokal na konsumo at posibleng pagpapalawak sa merkado. Binigyang-pansin din ang mga pamantayan ng Halal upang matiyak na ang mga produkto ay naaayon sa mga tradisyon at batas sa pagkain ng komunidad ng mga Muslim.
Ang aktibong partisipasyon ng MOST-BARMM sa CLEP ay nagpapakita ng kanilang pangako na mapaunlad ang lokal na kasanayan at maisulong ang ligtas, pangmatagalan, at inklusibong kabuhayan sa rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)