300K na MILF, supporters inaasahang dadagsa sa Consultative Meeting at General Assembly sa Camp Darapanan
COTABATO CITY (Ika-21 ng Setyembre)– Inaasahang dadagsa ang 300,000 o higit pa na mga miyembro at sympathizers ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa gaganaping Consultative Meeting at General Assembly ngayong Lunes, ika-23 ng Setyembre na gagawin sa Administrative Camp ng MILF sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ngayong araw ng Sabado, ay abala na ang mga lider ng MILF sa pangunguna ni MILF Chairman Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim kasama ang mga line agencies ng MILF para sa pagtitipon na ito ayon pa sa anunsyo ng MILF sa pamamagitan ng UBJP Regional Headquarters.
“Nagpatawag ng general committee meeting kanina si Chairman Ebrahim upang tiyakin ang maayos na pagsasagawa ng nasabing assembly,” dagdag sa ulat ng UBJP kaugnay ng nasabing aktibidad.
Nag anyaya sa lahat ng mga miyembro, tagasuporta, at mga kinatawan ng MILF na lumahok sa gagawing programa, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
“Inaasahan po namin ang inyong pagdalo at pakikilahok sa ating pagpupulong,” ayon pa sa UBJP.
Layunin ng pagpupulong na ito ayon pa sa pahayag ng UBJP bilang bahagi ng dedikasyon at pakikiisa sa mga hakbang ng MILF sa pagpapatuloy ng mga nasimulang magandang pagbabago sa rehiyon ng grupo.
“Mapapakinggan sa ating pagpupulong ang mga mahahalagang usapin na magpapatatag sa ating pagkakaisa at mga layunin para sa Bangsamoro.,” pahayag ng UBJP. (Tu Alid Alfonso, BangsamoroToday)
Magpatuloy BARMM