Voters’ Education sa BIAF-MILF at ang kanilang Pamilya, isasagawa ng BMN para sa Proyektong Activate Bangsamoro Phase 4

Coordination meeting sa tanggapan ni Prof. Raby Angkal, Secretary General ng Bangsamoro Parliament bilang paghahanda sa gagawing ToT on Voters’ Education at Community Roll-Out. Kabilang din dito ang pagpupulong ng BMN sa The Asia Foundation (TAF) sa pagitan ng BMN Executive Director Faydiyah Samanodi Akmad at TAF Senior Program Officer Ms. Noraida S. Chio. (Litrato ng BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-18 ng Setyembre, 2024) — Magsasagawa ng Training of Trainers o TOT at Voters’ Education Community Roll-Out para sa miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN) ngayong buwan ng Setyembre na gaganapin sa Bangsamoro Leadership and Management Institute (BLMI), Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte sa tulong ng proyektong Activate Bangsamoro Phase 4 at suportang ibinigay ng The Asia Foundation (TAF) at UK Government.

Ito ay matapos ang ginawang series of consultations sa matataas na lider ng MILF kabilang si Mohagher M. Iqbal ang chairman ng peace implementing panel ng MILF, Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua na sya namang Chief of Staff ng BIAF-MILF sa pamamagitan ng tanggapan ni Dr. Tomanda D. Antok at Akmad “Toks Ebrahim” Barhim, J1 General Staff Administrative Department at JNC Co-Chair, Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ng MILF Sir Butch P. Malang, ang BARMM Parliament Hon. Pangalian M. Balindong, Bangsamoro Information Office (BIO), Commission on Elections (COMELEC).

Kabilang sa magbibigay ng kaalaman sa gagawing TOT, tungkol sa mga natapos na Bangsamoro codes at ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa darating na May 2025 ay ang trained Bangsamoro Bureau Speakers mula sa Bangsamoro Parliament, kasama ang staff ng COMELEC.

Samantala, target din ng programa na mabigyan ng oryentasyon para sa tama at dapat gawin sa paparating na elections at sa araw ng pagboto ang anim na recognized MILF Camps. Inaasahang maabot ang 500 hanggang sa anim na libo (6,000) BIAF-MILF combatants kabilang ang kanilang mga pamilya. Sa basbas ng BIAF-MILF, nakatakda namang gagawin ang unang Voters’ Education Community Roll-Out sa Camp Badre, Guindulungan, Maguindanao del Sur ngayong buwan at ang iba pang mga kampo sa susunod na buwan.

Sinabi ni Faydiyah Samanodi Akmad, Executive Director ng BMN na naging maayos ang coordination meeting dahil sa bukas-palad ang pamunuan ng MILF sa pagpapaabot ng kaalaman tungkol sa voters education sa kanilang mga miyembro na lubos na mahalaga bilang paghahanda sa national, local at BARMM elections.

Ang MILF, matapos lagdaan ang Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) noong 2014 sa pagitan ng gobyerno, ay nagbunga ito upang magawa ang batas para sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng RA 11054 o Bansamoro Organic Law, kabilang dito ang normalization para sa BIAF combatants, at ang pagsali ng MILF sa pulitika. Ang MILF din sa kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang namumuno sa interim Bangsamoro government na pinangungunahan ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim.  

Ang AB4 project, na dinisenyo upang suportahan ang 2025 National, Local, at BARMM Elections, ay kinabibilangan ng siyam pang implementing partners kasama ang BMN, ang Mindanao Organization for Social and Economic Process Inc. (MOSEP), Teduray Lambangian Women’s Organization Inc. (TWLOI), United Youth for Peace and Development (UNYPAD), Horayang Kabataan (Hiraya), Maguindanaon Development Foundation Inc. (MDFI), Probe Media Foundation Inc. (PMFI), Tiyakap Kalilintad (TKI), LENTE, at United Voices for Peace Network (UVPN).

Layunin ng AB4 na mapabuti ang integridad ng eleksyon sa pamamagitan ng dalawang pangunahing bahagi. Ang unang bahagi ay nakatuon sa pagpapataas ng kaalaman sa pamamagitan ng mga pormal na institusyon sa pamamagitan ng paggawa ng Information Education and Communication (IEC) materials, pagbibigay ng pagsasalin sa lokal na wika, at pagsasanay sa mga civil society organizations (CSOs) at media upang labanan ang maling impormasyon at hate speech. Ang ikalawang bahagi ay nakatuon sa outreach ng civil society upang isulong ang aktibong pagkamamamayan, na may diin sa pakikilahok ng mga marginalized at apektadong komunidad gamit ang mga online platform.

Bilang bahagi ng AB4 project, susuportahan ng BMN ang mga pangunahing aktibidad kabilang ang pagsusuri ng pangangailangan ng kapasidad ng implementing partners sa pamamagitan ng Advanced Social Media Training, at mentoring para sa mga CSO partners. Ang BMN ay partikular na tututok sa mga combatants at kanilang pamilya sa anim na Major Camps ng MILF sa BARMM, Mindanao, na layuning magturo at mag-engage ng 500 hanggang 6,000 miyembro ng MILF-BIAF at mga kamag-anak nila. Kasama dito ang pagsasanay sa 33 BIAF-MILF Focal Persons na magpapaabot ng kaalaman tungkol sa elections at pag-oorganisa ng mga workshop upang mapabuti ang paggamit ng social media sa edukasyon ng mga botante at pagsubaybay sa eleksyon.

Sa kasalukuyan, ang BMN ay patuloy na sumusulong sa kanilang mga operasyon sa proyekto. Ang mga gawain nito ay nakatuon sa pagpapalawak ng kanilang mga aktibidad, pagpapabuti ng kanilang mga proseso, at pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga stakeholder upang matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto.

Hanggang sa pagtatapos ng proyekto, ang BMN ay magpapatuloy sa mga aktibidad na nakatuon sa pagpapalawak ng mga programa at pag-abot sa mga target na benepisyaryo nito. Kung saan layunin nito na makamit ang mga itinakdang resulta ng proyekto, kabilang ang pagpapataas ng kamalayan, pagpapalakas ng kapasidad ng mga partner, at pagbibigay ng epektibong edukasyon sa mga botante at monitoring ng eleksyon.

Nagpapakita din ito ng dedikasyon sa pagpapalakas ng kaalaman at aktibong pagkamamamayan sa rehiyon ng Bangsamoro, gamit ang kanilang kadalubhasaan sa multimedia upang mag-ambag ng kaalaman sa proseso ng eleksyon.

Ang Bangsamoro Multimedia Network, bilang tagapagpadaloy ng tama, totoong impormasyon na naka base sa pananaliksik ay kilala sa matagumpay na pagpapatupad ng sariling mga programa tulad ng Sanib Pwersa Bangsamoro para sa Plebisito 2019 at programang Kaunlaran sa Bangsamoro online Talkshow na nagbibigay kaalaman sa mga mamamayan sa mga nangyayari, maging sa loob at labas ng BARMM. (Sahara A. Saban, Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

One thought on “Voters’ Education sa BIAF-MILF at ang kanilang Pamilya, isasagawa ng BMN para sa Proyektong Activate Bangsamoro Phase 4

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Rido ng dalawang grupo sa Maguindanao del Sur, Pinangunahan ng PSRO-OCM ang Pag-areglo
Next post 84 Opisyal ng AMBaG Partner Hospitals, dumaan sa Audit Interview ng IAO-OCM BARMM