Rido ng dalawang grupo sa Maguindanao del Sur, Pinangunahan ng PSRO-OCM ang Pag-areglo
COTABATO CITY (Ika-17 ng Setyembre, 2024)— Sa pamumuno ng Peace, Security, and Reconciliation Office ng Office of the Chief Minister (PSRO-OCM) at pangunguna ni Executive Director Anwar S. Alamada at matagumpay ang ginawang pag-areglo ng alitan sa pagitan ng kampo ni Manex Angkad Guiama ng 105th Base Command at Mahmod “Mong” Dalending ng 104th Base Command dito sa lungsod ng Cotabato, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong ika-16 ng Setyembre.
Ang nasabing alitan ay nag-ugat mula sa hindi pagkakaintindihan ng dalawang panig, na nagresulta sa sagupaan sanhi upang mapilitang lumikas ang daan-daang residente mula sa kanilang mga tahanan sa Barangay Ambadao, Datu Piang, Maguindanao Del Sur.
Ang proseso ng pag-areglo ay sinuportahan nina Datu Piang Mayor Datu Victor Samama at Butch P. Malang, ang Administrator ng SGADA at Chairman ng MILF-CCCH.
Ang dalawang kampo ay umaasa na magdadala ng pangmatagalang kapayapaan ang kasunduang ito sa kanilang komunidad. Ipinahayag din nila ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan ng BARMM sa mabilis na aksyon upang maayos ang dalawang grupo. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)