UBJP Nagpahayag ng Kalungkutan sa Pagkakahiwalay ng Sulu mula sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-11 ng Setyembre, 2024) — Sa Opisyal na pahayag ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang kanilang pagdadalamhati sa naging desisyon ng Korte Suprema na alisin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lalawigan ng Sulu. Ayon sa partido, malaki ang naging papel ng Sulu sa pagtatag ng identity ng Bangsamoro, mula sa panahong ng armadong pakikibaka, usapang pangkapayapaan, hanggang sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL), at sa kasalukuyang pamamahala ng BARMM.
Bagama’t kinikilala ng UBJP ang kahalagahan ng batas, inamin ng partido na ang desisyong ito ay mabigat sa kanilang damdamin. Ayon sa kanila, ang pagkakahiwalay ng Sulu mula sa BARMM ay nangangahulugan na ang mga mamamayan ng Sulu ay hindi na direktang makikinabang sa mga programa at reporma na inihahatid ng Bangsamoro Government upang mapabuti ang kanilang buhay. Partikular nilang binanggit ang edukasyon, kabilang ang pagpapalakas ng Madaris education, na isa sa mga pangunahing proyekto ng rehiyon.
Binanggit din ng UBJP na maaaring mawala ang mga progresibong patakaran ng BARMM, tulad ng paglaban sa political dynasty, na naging mahalaga sa pagpapaunlad ng mabuting pamamahala. Ang Sulu, anila, ay pamamahalaan na ngayon ng mga lider na maaaring hindi kasing-kontrolado ng mga prinsipyo ng BARMM ukol sa magandang pamamahala.
Sa kabila ng kalungkutang ito, nananatiling matatag ang UBJP sa kanilang pangakong ipagpatuloy ang kanilang misyon para sa Bangsamoro. Sinabi ng partido na, bagama’t administratibong nahiwalay na ang Sulu, nananatili ang pagkakaisa, tapang, at tibay ng loob ng mga Bangsamoro, na hinding-hindi masusukat ng mga administratibong hangganan.
Pinaalalahanan din ng UBJP ang Bangsamoro na marami pang kapangyarihang maaaring gamitin ang Bangsamoro Government upang panatilihing malapit sa rehiyon ang Sulu, tulad ng Inter-Governmental Relations Bodies (IGRBs) at inter-LGU cooperation.
Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, nangako ang UBJP na ipagpapatuloy nila ang pakikibaka para sa karapatan at mga adhikain ng bawat Bangsamoro, kabilang ang mga mamamayan ng Sulu, kahit pa ito ay opisyal nang wala sa ilalim ng BARMM. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)