Desisyon ng Korte Suprema sa konstitusyonalidad ng RA 11054, Mahalagang Hakbang para sa Pagpapatibay ng Awtonomiya sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-11 ng Setyembre, 2024) — Sa serye ng Usapang Bangsamoro na ginanap kahapon sa BIO Office, Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Bangsamoro Government Center, Cotabato City ay ipinahayag ng Bangsamoro Government ang kanilang reaksyon sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa konstitusyonalidad ng RA 11054 at sa Parliamentary System ng Pamahalaan.
Ayon kay Spokesperson Mohd Asnin Pendatun, ang desisyon ng Korte Suprema ay isang mahalagang hakbang para sa pagpapatibay ng awtonomiya sa rehiyon na pangunahing layunin na mapanatili ang pinakamataas na antas ng awtonomiya habang tinitiyak ang makatarungan at maayos na pamamahala.
Inihayag din nito na ang pamahalaan ay kasalukuyang nagsasagawa ng mga hakbang upang matiyak ang maayos na paglipat sa bagong sistema ng pamahalaan, kasama ang paghahanda para sa unang halalan ng parlamento sa 2025. Inihayag din nito na ang pag-setup ng mga bagong mekanismo para sa serbisyo publiko at pagpapatuloy ng mga proyekto sa Sulu at iba pang bahagi ng rehiyon ay nasa kanilang prayoridad.
Kasama sa mga tinalakay na isyu ang patuloy na pagsasaayos ng mga serbisyo sa kalusugan at edukasyon, na may layuning mapanatili ang kalidad ng serbisyo sa kabila ng mga pagbabago sa pamahalaan. Tiniyak din nito na ang mga kasalukuyang proyekto at partnership ay magpapatuloy nang walang pagka-antala.
Ipinahayag din ng pamahalaan na bukas sila sa mga posibilidad ng pakikipag-ugnayan sa iba pang stakeholders at patuloy na makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga plano at programa.
Sa kabila ng mga positibong pahayag, may mga tanong mula sa media hinggil sa mga posibleng epekto ng desisyon sa mga miyembro ng parlamento at sa mga susunod na hakbang ng pamahalaan. Sinagot din nito na patuloy nilang susubaybayan ang sitwasyon at gagawa ng mga hakbang para sa isang maayos na transisyon.
Nakatuon naman sa pagpapatupad ng mga plano ng Bangsamoro Government at sinisiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo at epektibong pamamahala sa rehiyon. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)