154 Mujahideen na Apektado ng Labanan sa Lalawigan ng Sultan Kudarat, Tumanggap ng Tulong mula sa MSSD
COTABATO CITY (Ika-6 ng Setyembre, 2024) — Namahagi ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng pagkain at mga kagamitan sa 154 na kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Mujahideen na apektado ng kaguluhan sa lalawiga ng Sultan Kudarat noong ika-30 ng Agosto. Ang mga benepisyaryo ay mula sa 1st Brigade na pinamumunuan ni Datu Nasrullah “Commander Stallion” Ebrahim Mama ng 105th Base Command.
Ang bawat isa ay tumanggap ng food packs na naglalaman ng 25 kilo ng bigas, iba’t ibang de-latang pagkain, at instant coffee. Bukod sa mga pagkain, namahagi rin ang MSSD ng mga non-food items tulad ng 154 sleeping kits, dignity kits, water kits, at hygiene kits.
Ang pamamahagi ng tulong ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa dating Chief of Staff ng Member of Parliament na si Bai Ayyah M. Guerra, ang Maguindanao del Norte Police Provincial Office, at ang Lokal na Pamahalaan ng Sultan Kudarat.
Patuloy na tinutulungan ng MSSD ang mga komunidad ng Bangsamoro na apektado ng iba’t ibang krisis, maging ito’y dulot ng kalikasan o mga kaguluhan sa pamamagitan ng kanilang Emergency Relief Assistance program.
Samantala, isinagawa rin ng Ministry of Social Services and Development sa pamamagitan ng Lanao del Sur A Provincial Office ang sabayang pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo ng kanilang mga social protection programs sa bayan ng Tagoloan, Lanao del Sur, noong ika-2 hanggang ika-3 ng Setyembre.
Umabot sa 232 benepisyaryo ng programang Kalinga para sa may Kapansanan ang tumanggap ng kanilang allowance para sa unang semestre ng 2024, na may halagang PhP3,000 bawat isa.
Sa ilalim naman ng Angat Bangsamoro: Kabataan Tungo sa Karunungan (ABaKa) Program, 72 mag-aaral na nangangailangan ang nakatanggap ng tulong pang-edukasyon. Sa mga benepisyaryo, 28 estudyanteng kolehiyo ang tumanggap ng PhP10,000 bawat isa, 22 estudyanteng sekondarya ang nakatanggap ng PhP3,000 bawat isa, at 22 estudyanteng elementarya naman ang tumanggap ng PhP2,000 bawat isa.
Bukod dito, sa pamamagitan ng MPCA (Multipurpose Cash Assistance), isang recovery intervention na pinangangasiwaan ng Disaster Response and Management Division ng MSSD, 54 magsasaka na apektado ng tagtuyot ang pinagkalooban ng cash subsidy na PhP5,800 bawat isa.
Patuloy na nagiging katuwang ang MSSD sa pag-angat ng buhay ng mga Bangsamoro sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay suporta sa mga kapus-palad na sektor ng komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)