MBHTE nag-develop ng payroll system kasama ang DepEd Davao de Oro at Namahagi sa Unang Batch ng ALS Teacher’s Kits
COTABATO CITY (Ika-3 ng Setyembre, 2024) — Nagsagawa ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng dalawang araw na workshop para sa pag-develop ng payroll system sa Davao City noong ika-1 hanggang ika-2 Setyembre.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) Davao de Oro, tinutukan ng aktibidad ang parehong pangunahin at advanced na aspeto ng payroll management. Layunin nito na bigyan ng mga mahahalagang kaalaman at kasanayan ang mga kalahok upang mapabuti at mapabilis ang proseso ng payroll.
Ang mga partisipante mula sa MBHTE ay sumabak sa mga komprehensibong sesyon na nakatuon sa pagbabago ng tradisyunal na pamamaraan ng payroll at paglikha ng mga makabagong solusyon.
Samantala, namahagi rin ang MBHTE sa unang batch ng Teacher’s Kits para sa mga guro ng Alternative Learning System (ALS) sa Cotabato City noong iak-21 ng Agosto. Ang hakbang na ito ay bahagi ng MBHTE na mapabuti ang mga kagamitan sa edukasyon para sa mga out-of-school youth at adult learners sa rehiyon.
Ang Teacher’s Kits ay sadyang dinisenyo upang matugunan ang pangangailangan ng mga ALS educators, at naglalaman ng mahahalagang kagamitan tulad ng lesson plan books, class records, ballpen, ruler, scotch tape, gunting, at flashlight.
Binigyang-diin ni Minister Mohagher Iqbal ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang kagamitan sa mga ALS educators upang masiguro na ang bawat mag-aaral sa Bangsamoro region ay makatatanggap ng dekalidad na edukasyon, anuman ang kanilang kalagayan.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga guro ng ALS, na sinabing malaki ang maitutulong ng mga kit na ito sa pagbibigay ng edukasyon sa mga marginalized na komunidad. Ang distribusyong ito ay unang bahagi pa lamang ng maraming nakaplanong yugto, kung saan mas marami pang guro ang makatatanggap ng mga kit sa mga susunod na buwan ayon pa sa MBHTE.
Ang patuloy na pagsisikap ng MBHTE ay patunay ng kanilang dedikasyon na mapabuti ang mga resulta ng edukasyon sa BARMM sa pamamagitan ng mga makabago at inklusibong estratehiya. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)