Project IQBAL ng MBHTE, Namahagi ng Kagamitang Pampaaralan sa Unang Pampublikong Madrasah sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-2 ng Setyembre, 2024) — Matagumpay na isinagawa ang pamamahagi ng mga kagamitang pampaaralan at pang-opisina sa ilalim ng Project IQBAL sa kauna-unahang pampublikong Madrasah sa Cotabato City noong ika-14 ng Agosto.
Pinangunahan ng MBHTE Property and Supply Section ang pamamahagi ng mga kagamitan tulad ng mesa ng mga guro, clerical chairs, mga kagamitan para sa mga mag-aaral, school bag, at iba pa.
Ipinahayag ni MBHTE Director General for Madaris Education Tahir G. Nalg ang kanyang labis na pagmamalaki sa pagkakatatag ng unang pampublikong Madrasah at taos-pusong pasasalamat kay Minister Mohagher Iqbal para sa napakahalagang suporta sa Madaris.
Binigyang-diin ng MBHTE na ang matagumpay na pamamahaging ito ay patunay ng dedikasyon ng gobyerno sa pagsusulong ng edukasyon sa rehiyon ng Bangsamoro, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapabuti ang kalidad ng edukasyon para sa lahat ng mag-aaral.
Samantala, nagsagawa din ng seremonya ang MBHTE para sa turnover na ginanap noong ika-25 ng Hulyo pagpapasinaya ng mga bagong itatayong silid-aralan sa Boliok Elementary School,Brgy. Boliok, Sultan Mastura, Maguindanao Del Norte Division.
Ang proyekto na pinondohan sa ilalim ng SDF 2021, ay nagkakahalaga ng PhP4,412,812.52. Ang inisyatibong ito ay patunay lamang sa mithiin ng MBHTE sa pagpapabuti ng imprastraktura ng edukasyon sa mga lugar na hindi gaanong naabot, tinitiyak na ang mga mag-aaral sa mga liblib na komunidad ay makinabang mula sa mas pinahusay na mga kapaligiran at kagamitan sa pagkatuto.
Ayon pa sa MBHTE, ang bagong mga silid-aralan ay inaasahang magbibigay ng mas magandang pagkakataon para sa pag-aaral at pagsulong ng mga estudyante sa nasabing lugar. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)