Al-Hafidh Muzaher Suweb Bito, Sinalubong ng mga Opisyales ng Bangsamoro Gov’t.
COTABATO CITY (Ika-27 ng Agosto, 2024) — Sinalubong ni MILG Minister Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba ang pagbabalik ni Al-Hafidh Muzaher Suweb Bito kasama ang pamilyang lubos siyang pinagmamalaki dahil sa mga karangalang naiuwi sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa bansa. Ipinagbunyi nila ang kahanga-hangang mga nakamit ni Al-Hafidh Bito sa larangan ng Qur’an memorization, isang patunay ng pagmamahal at kanyang pagpupursige na maipalaganap sa buong mundo ang mensahe ng Banal na Qur’an.
Ayon sa sinabi ng Propeta Muhammad “Allah has specified people dear to Him, the People of the Qur’an, they are His dear ones and are especially close to Him” (Ibn Majah, no. 215). Ang kasabihang ito ay naglalarawan ng pagiging Al-Hafidh ni Bito, na ang kanyang debosyon sa Qur’an ay nagbigay sa kanya ng pagkilala sa buong mundo.
Kamakailan lamang, nakamit ni Al-Hafidh Bito ang ikalawang puwesto sa 44th King Abdulaziz International Qur’an Memorization Competition na ginanap sa Makkah, Saudi Arabia, kung saan nakipagtagisan siya sa mga pinakamahusay na Qur’an memorizers mula sa iba’t ibang bansa. Ang kanyang tagumpay ay nagpapakita ng kanyang pambihirang galing.
Nagwagi rin siya ng ikatlong puwesto sa 27th Dubai International Holy Qur’an Competition, isa pang prestihiyosong patimpalak na nagdala ng karangalan sa Bangsamoro community. Ang mga tagumpay na ito ay nagbigay ng inspirasyon sa mga kabataang Muslim na nangangarap na maging tulad niya na nag-aral ng Qur’an.
Ang kanyang kwento ay nagsisilbing ilaw at pag-asa para sa mga nagnanais na tahakin ang landas ng pagiging Al-Hafidh at maging dalubhasa sa Banal na Qur’an. Isang patunay na ang kanyang mga tagumpay ay isang yaman ng buong Bangsamoro, sa Pilipinas at ng lahat ng mga Muslim sa buong mundo. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)