PSRO, MILF Commanders Nagtipon sa Cotabato City upang Sugpuin ang Rido sa Bangsamoro
COTABATO CITY (Ika-22 ng Agosto, 2024) — Ang Peace, Security and Reconciliation Office ng Office of the Chief Minister (PSRO-OCM) ay nagsagawa ng isang makabuluhang pagpupulong patungkol sa pagsusuri ng mga hakbang para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ng Bangsamoro na ginanap kahapon, araw ng Miyerkules, Ika-21 ng Agosto dito sa lungsod.
Pinangungunahan ni PSRO Executive Director Anwar S. Alamada, kabilang ang mga Base Commanders mula sa Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF – MILF) upang ipakita ang kanilang suporta bilang mga consultant nito.
Binigyang-diin ni Executive Director Alamada ang pangangailangan na dagdagan ang pagsusumikap sa paglaban sa rido o feud, na madalas nagiging sanhi ng kaguluhan. Dagdag pa nito, ang pagtutok sa pag-aalis ng personal na alitan at ang pagpapalaganap ng pagkakaintindihan ay makakatulong upang mabawasan ang insidente ng karahasan.
Binigyang importansya naman in Butch P. Malang, Chairman ng Moro Islamic Liberation Front – Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (MILF-CCCH) ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagsunod sa mga kasunduan ng peace process bilang pundasyon para sa pangmatagalang kapayapaan.
Si Malang ay laging katuwang ni Executive Dir. Alamada sa mga gawaing rido settlement sa Bangsamoro, at sya rin ang Administrator ng Special Geographic Area Development Authority (SGADA).
Ayon sa PSRO, ang ginanap na pagpupulong ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagpapaigting ng seguridad at kaayusan sa Bangsamoro region, na naglalayong maglatag ng mas matibay na pundasyon para sa rehiyon. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)