Magsasaka sa Lanao del Sur, Sumailalim sa Pagsasanay sa Paghahalaman ng Mais at High-Value Crops
COTABATO CITY (Ika-21 ng Agosto, 2024) — Nagsagawa ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng dalawang araw na pagsasanay para sa kooperatiba ng mga magsasaka upang higit na mabigyan ng tamang kaalaman pagdating sa pagtatanim ng mais na isinagawa sa Barangay Amai Didtimbang Balindong, Masiu, Lanao del Sur noong ika-13 hanggang ika-14 ng Agosto, 2024.
Nakatuon ang pagsasanay sa pamamahala ng mais at high-value crops sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Akmad Abdullah, Corn Focal ng MAFAR-BARMM ng ibat-ibang kaalaman tulad ng paghahanda ng lupa, pagpili ng mga buto, epektibong pamamaraan ng pagtatanim, tamang paggamit ng mga pataba, at proteksyon laban sa mga peste.
“This training is a crucial step towards enhancing corn production in our community. We are grateful for the opportunity given to our farmers to improve their skills in corn cultivation,” ani Omar Magandia, Barangay Official ng Amai Didtimbang Balindong.
Pinangunahan ni Amira Guiamad, Budget Assistant para sa MAFAR-SDF, ang pagsasanay na nakatuon sa financial literacy at basic bookkeeping upang matulungan ang mga magsasaka na mas mapahusay ng pamahalaan ang kanilang kita at ang kanilang mga kooperatiba.
Ang kaparehong pagsasanay ay isinagawa rin para sa dalawang kooperatiba ng magsasaka, kabilang ang Barangay Ilian Agriculture Marketing Cooperative at Isang Bangsa Agri Aqua Producers Cooperative noong ika-14 ng Agosto, sa Marawi City.
Hinimok ni Mohammad Zackie Abdullatip, Chairman ng Isang Bangsa Agri Aqua Producers Cooperative, ang kanyang mga kapwa magsasaka na isabuhay ang mga matutunan mula sa pagsasanay. “We want to increase our crop production, we must embrace the modern technologies and methods of farming that are being taught to us,” pahayag ni Abdullatip.
Ang bawat partisipante ay inaasahang makatatanggap ng mga buto ng mais sa mga susunod na araw bilang bahagi ng programa. Ang ganitong pagsasanay ay bahagi ng paghahanda para sa mga magsasaka bago nila matanggap ang inaasahang distribusyon ng seeds mula sa MAFAR-SDF. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)