Gob Sam Macacua, Pinangunahan ang Turn-over Ceremony ng MDN Landmark at Traveler’s Inn sa Matanog
COTABATO CITY (Ika-21 ng Agosto, 2024) — Pinangunahan ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang seremonya ng pagsasalin ng MDN Landmark at Traveler’s Inn nitong ika-19 ng Agosto, sa bayan ng Matanog. Sa kanyang mensahe, nangako si Gob Macacua na magdadala ng mas maraming proyekto para sa Maguindanao del Norte. Binanggit din niya ang tuloy-tuloy na suporta mula sa pambansang pamahalaan at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang mga proyekto ay ipinatupad ng Provincial Engineering Office at pinondohan mula sa 20% ng National Tax Allotment (NTA) ng probinsya.
“Ang aking kampanya, iimplement natin ang 20% dahil napakalaki ang naidudulot na pagbabago nito. Nandito si MDN na gumabagay sa mga projects. Bukod pa dito, may isang bilyon po na handog sa atin ng BARMM government. Kalahati dito ay ibinibigay natin sa ating mga munisipyo, naka divide ito sakanila. Yun ay maaring maging source ng mga nais ipo-program ng mga mayors at ididistribute ito through program implementation,” ani Gob Macacua.
Ipinangako rin ni Gob Macacua ang pagiging tapat, bukas, at episyente sa paghahatid ng suporta mula sa pambansa at rehiyonal na pamahalaan para sa probinsya. Aniya, walang lugar sa kanyang administrasyon ang korapsyon na sumisira sa moralidad ng lipunan.
“Yung mga tulong ng national at regional government, rest assured na there will be an equitable distribution among all the municipalities. Asahan ninyong wala kaming kukunin dahil para ito sa kagandahan ng ating mga constituents,” giit ng Chief Executive.
Ang MDN Traveler’s Inn ay matatagpuan sa isang estratehikong lokasyon upang magsilbing pansamantalang pahingahan ng mga biyahero. Mayroon itong “Pasalubong Center” kung saan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay maibenta ang kanilang mga lokal na produkto. Nag-aalok din ito ng klinika para magbigay ng agarang tulong medikal.
Kasama rin sa proyekto ang rehabilitasyon ng landmark na naglalayong magpatayo ng bagong boundary para sa probinsya. Nagpasalamat nang malaki si Mayor Zohria Bansil-Guro kay Gob Macacua. Ayon sa kanya, ang mga proyektong ito ay magpapalawak ng ekonomiya ng Matanog at magbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa kanyang mga kababayan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)