Mahusay na Pamamahala ng Basura sa Lungsod ng Cotabato at Marawi, Inaasahan sa Pamamagitan ng ‘Enviro-Trashers’
COTABATO CITY (Ika-19 ng Agosto, 2024) — Sa pagsisikap ng Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pahusayin ang pamamahala ng solid waste sa rehiyon, dalawang ‘Enviro-Trasher’ equipment ang malapit nang italaga sa Cotabato City, Maguindanao del Norte at Marawi City, Lanao del Sur matapos ang ceremonial contract signing ng grant ng nasabing kagamitan noong Biyernes, ika-16 ng Agosto, sa regional office ng Ministry.
Ang Enviro-Trasher ay isang self-powered, non-combustion na kagamitan na gumagamit ng makabagong teknolohiya upang mabawasan ang dami ng basura. Ang pagpirma sa kontrata ay tanda ng pagpapatupad ng dalawang Enviro-Trasher para sa Lungsod ng Marawi at Cotabato, na pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) 2022 at SDF 2023.
Ayon kay MENRE Minister Akmad A. Brahim, mahalaga na manatiling malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang mga problema tulad ng mga isyu na may kaugnayan sa kalusugan.
“In the Ministry, we are very particular with solid waste management. It’s important that the environment stays clean to avoid problems such as health-related issues. As the Minister, pinagsisikapan natin ito para sa kapakanan ng Bangsamoro people,” wika nito sa English.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Minister Brahim kay BARMM Chief Minister Ahod B. Ebrahim, dahil ang proyektong ito ay inaprubahan ng kanyang tanggapan sa ilalim ng SDF.
Ngayon na natapos na ang pagbili ng Enviro-Trashers, maaari nang simulan ng Ministry ang matagumpay na pagpapatupad nito, ayon kay Bangsamoro Director General for ENR Atty. Badr E. Salendab. Dagdag pa niya, makatutulong ito nang malaki sa pamamahala ng solid waste ng dalawang lungsod sa BARMM, lalo na’t mataas ang volume ng basura sa mga lungsod Cotabato at Marawi.
Inilarawan bilang eco-friendly, ang Enviro-Trasher dahil hindi naglalabas ng apoy, dioxins, o anumang nakalalasong gas sa proseso ng pagtatapon ng basura. Inaasahan din na mabawasan ang dami ng input waste na na-load ng 96%.
Ang pagkakaloob ng Enviro-Trashers ay isang malaking hakbang mula sa karaniwang tulong na ibinibigay ng MENRE sa mga lokal na pamahalaan, gaya ng knowledge-sharing at turnover ng mga trash bins, ayon kay Engr. Abdulmaoti Akmad, Chief of Solid Waste Management Division mula sa Environment Management Services.
Sa tulong ng BARMM Chief Minister at ni Minister Brahim sa pamamagitan ng SDF, kayang-kayang pataasin ng MENRE ang pagsisikap sa pamamahala ng basura sa mga Lungsod ng Cotabato at Marawi, na sa huli ay mag-aangat sa hangarin ng rehiyon tungo sa mas malinis at mas malusog na kapaligiran para sa Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)