MBHTE nagsagawa ng Turn-Over Ceremony ng Bagong Paaralan at Groundbreaking ng Training Center sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-15 ng Agosto, 2024) — Sa bagong update ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ay isinagawa ang seremonya ng turn-over ng bagong proyektong may isang-palapag na gusali na may dalawang silid-aralan sa Rumidas Primary School sa Bayan ng Buldon, Maguindanao del Norte Schools Division Office, noong ika-8 ng Agosto.
Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng PhP4,417,815.72, na pinondohan sa ilalim ng Fiscal Year (FY) 2022 General Appropriations Act ng Bangsamoro. Layunin ng proyektong ito na mapabuti ang imprastruktura ng edukasyon sa mga lugar na mahirap maabot, at upang matiyak na ang mga mag-aaral sa malalayong komunidad ay magkakaroon ng mas maayos na pasilidad.
Samantala, idinaos din ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng Tawi-Tawi Provincial Training Center sa Brgy. Paniongan, Bongao, Tawi-Tawi noong ika-4 ng Agosto.
Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng PhP32,553,493.76 at pinondohan sa ilalim ng FY 2022 Special Development Fund (SDF), na ipatutupad ng CLA Construction Incorporated.
Ayon sa MBHTE, ang nasabing bagong training center ay inaasahang magiging pangunahing institusyon sa Tawi-Tawi, na kung saan magbibigay ito ng mahahalagang resources at oportunidad para sa pagpapahusay ng kasanayan at pagsasanay, na tutulong sa pangangailangan ng lokal na workforce at mag-aambag sa pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya ng probinsya ng Tawi-Tawi. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)