MSSD Nagbigay ng Tulong sa 600 Pamilya sa Ligawasan at 120 PWDs sa Basilan
COTABATO CITY (Ika-14 ng Agosto, 2024)—Umabot sa 600 na pamilya ang lubhang naapektuhan ng baha kamakailan sa Brgy. Gli-Gli, Ligawasan, Special Geographic Area (SGA), BARMM ang nakatanggap ng pangunahing pangangailangan sa isang relief operation na pinangunahan ng Municipal Social Welfare Office noong ika-8 ng Agosto.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng isang sako ng bigas, delata, instant coffee upang matustusan ang kanilang pangangailangan bilang bahagi ng relief operation sa ilalim ng Disaster Response Management Division ng MSSD.
Tumulong sa pamamahagi ng mga relief goods ang mga parasocial worker ng MSSD, kasama ang mga tauhan mula sa barangay local government unit.
Samantala, nagsagawa rin ang MSSD Basilan Coordinating Office sa 120 katao na may kapansanan (PWDs) ng isang outreach activity kasama ang lokal na pamahalaan ng Maluso. Ang naturang aktibidad ay ginanap sa Municipal Social Welfare Office noong ika-9 ng Agosto.
Ang programang ito ay bahagi ng post-observance ng National Disability Rights Week (NDRW) 2024, na kinikilala ang kontribusyon ng mga PWDs sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa mga pangunahing pangangailangan at serbisyong pangkalusugan. Kasama rin sa pagdiriwang ang pagpapakita ng kanilang natatanging kakayahan, pagiging produktibo, at iba pang mga aktibidad na nagtatampok sa mahalagang ambag ng mga PWDs sa komunidad.
Sa programa, namahagi ang MSSD ng welfare packages sa bawat PWD na nakiisa, na kinabibilangan ng isang sako ng bigas, mga delatang pagkain, at instant coffee.
Isa sa mga tampok na bahagi ng aktibidad ay ang pagtataguyod ng PWD Agenda, na naglalayong isama ito sa mga lokal na patakaran, serbisyo, pribilehiyo, at mga programa ng pamahalaan. Ito ay binigyang-diin ni Ms. Mary Amineth M. Calaton, RSW, focal person ng Persons with Disability Affairs Office, sa isang panayam sa kanya.
Nagkaroon din ng talent show kung saan ipinakita ng mga piling PWD ang kanilang mga talento at pagiging malikhain. Ang mga lumahok sa parlor games ay tumanggap din ng mga token at pa-premyo. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)