MBHTE at DepEd, Pinagtibay ang Kooperasyon para sa Edukasyon sa BARMM
COTABATO CITY (Ika-14 ng Agosto, 2024) — Ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa pamumuno ni Minister Mohagher Iqbal, ay pinagtibay ang pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) sa isang meeting na pinangunahan ng newly-appointed Education Secretary Sen. Sonny Angara noong ika-13 ng Agosto, sa DepEd Central Office, Metro Manila.
Layunin ng pagpupulong na palakasin ang kolaborasyon at talakayan ng estratehikong inisyatiba para mapaunlad ang edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga opisyal mula sa MBHTE at DepEd ay nagkaroon ng produktibong talakayan tungkol sa mga pangunahing isyu at potensyal na mga lugar ng kooperasyon.
Ang dayalogo ay layuning matiyak na nagtutulungan ang MBHTE at DepEd. Kabilang dito ang kahalagahan ng pag-align ng mga patakaran at programang pang-edukasyon upang matiyak na ang parehong ahensya ay gumagana tungo sa iisang layunin, partikular sa pagpapahusay ng access sa dekalidad na edukasyon sa BARMM.
Bukod pa dito, nagpahayag ang dalawang ahensya ng positibong pananaw sa pamamagitan ng pakikipagtulungan kung saan magkakaroon ng pagbabago sa serbisyong pang-edukasyon para sa mga mag-aaral sa rehiyon.
Batay sa impormasyon ng MBHTE Directorate General for Basic Education, tinalakay din sa pag-uusap ng dalawang ahensya ang mga nationally funded program at ang kauna-unahang public madrasah sa Bangsamoro region. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)