MENRE, Lumahok sa Mindanao River Basin Stakeholder’s Forum at Preliminary Workshop
COTABATO CITY (Ika-12 ng Agosto, 2024) —Ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Biodiversity, Ecosystems, Research, and Development Services (BERDS), ay aktibong lumahok sa Mindanao River Basin (MRB) stakeholder’s forum at preliminary workshop na isinagawa mula ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto, sa Koronadal City, South Cotabato.
Ang forum ay isinagawa alinsunod sa Executive Order (EO) Blg. 510, 816, at 50, na naglalayong tugunan ang mga isyung may kinalaman sa Mindanao River Basin, tulad ng pagbaha, pagbabago ng klima, mga sanhi, epekto, at mga hakbang para sa mitigasyon. Ang Mindanao River Basin ay kabilang sa labingwalong (18) pangunahing ilog na nakilala sa Pilipinas. Alinsunod sa EO 510, isang Integrated River Basin Management and Development Master Plan ang nabuo noong 2007, na nagbigay-diin sa mga pangunahing ilog sa bansa.
Sa forum, tinalakay rin ang hydro-meteorological trends at mga mahalagang aspeto ng climate-responsive integrated master plan para sa Mindanao River Basin upang magbigay ng mga rekomendasyon para sa kinakailangang pag-update sa master plan, kung mayroon man, at upang makabuo ng mga hakbangin para sa mitigasyon sa pamamagitan ng collaboration process. Napagkasunduan rin na ang susunod na workshop ay gaganapin sa ika-20 ng Agosto sa General Santos City.
Dumalo sina BERDS Senior Ecosystems Management Specialist Forester Datun K. Salipada, BERDS Senior Ecosystem Management Specialist Forester Joharie U. Diao, at BERDS Research Assistant Forester Fahad L. Talib. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)