PWDs sa Maguindanao del Sur, Binigyan ng Assistive Device ng MSSD-BARMM
COTABATO CITY (Ika-9 ng Agosto, 2024) — Ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nagdaos ng isang outreach event para sa Persons with Disabilities (PWDs) sa pakikipagtulungan ng Provincial Government ng Maguindanao del Sur at IPHO Maguindanao. Ang programa ay bahagi ng paggunita sa National Disability Rights Week na ginanap nitong ika-7 ng Agosto, sa provincial capitol building ng Buluan.
Layunin ng MSSD na magbigay ng suporta at itaguyod ang mas inklusibong lipunan, at kung saan nagbigay ito ng mga assistive devices sa 47 PWDs na batay din sa pangangailangan nito, na na-assess ng mga Social Workers. Kabilang sa mga ibinigay ay ang 15 wheelchair, 12 adult crutches, 10 folding canes, 6 single canes, 3 quad canes, at 1 walker.
Pinasalamatan ni Brian Tenorio, isa sa mga benepisyaryo, ang inisyatiba ng MSSD, “I am thankful to MSSD for giving me this wheelchair because it is a great help, especially for my work. This is a big deal for me because, without it, I would struggle with my job and at home, as this serves as my legs to move around.”
Maliban sa mga assistive devices, nagbigay din ang MSSD ng mga gift packs na naglalaman ng mga grocery items sa mga PWDs, bilang dagdag na tulong at suporta, may libreng medikal na konsultasyon na inihandog ng IPHO Maguindanao, na nagbigay ng pagkakataon sa mga PWDs na kumonsulta sa mga doktor ng walang bayad.
Tinalakay din ni Nestor Cabigas Jr., Disability Officer ng MSSD Maguindanao, ang mga karapatan at benepisyo na maaaring makuha ng mga PWDs.
Ipinamalas naman ng mga PWDs ang kanilang mga talento sa pagkanta at pagtugtog ng instrumento sa isinagawang talent show, kung saan pinuri at binigyan ng tokens at premyo mula sa MSSD at lokal na pamahalaan. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)