OOBC Tinalakay ang Karapatan ng mga Bangsamoro sa Labas ng BARMM sa BMN Live Talkshow

Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) talk show program “Bangsamoro Ka, Saan Kaman” na napapanood ng live sa BMN social media pages. (Litrato ni Faydiyah S. Akmad, BMN/BangsamoroToday)

COTABATO CITY (Ika-5 ng Agusto, 2024) —Ginanap ang live talkshow program ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC) na pinamagatant “Bangsamoro Ka, Saan Kaman” sa Bangsamoro Multimedia Network (BMN) studio dito sa Lungsod noong ika-1 ng Agosto, 2024 at tinalakay dito ang pangunahing layunin ng OOBC na itaguyod ang kapakanan ng mga Bangsamoro na naninirahan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa kasalukuyan, narating na ng OOBC ang anim na rehiyon kabilang ang Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 11 (Davao Region), Region 12 (SOCCSKSARGEN), at Palawan. Ang Caraga Region ay inaasahang mararating din ng OOBC sa hinaharap.

Ayon kay Ramla L. Manguda, Administrative Assistant I, “nagsimula po sa Region 9 yung Zamboanga peninsula and then Davao Region, SOCCSKSARGEN, ito yung Region 12 and then including po yung Palawan. So far ang hindi pa po narating ng OOBC yung Caraga region, Inshallah aabutin din.”

Sa kanilang mga pagbisita, nakikinig ang OOBC sa mga hinaing at pasasalamat ng komunidad. Sa talakayan na ang nag host ay si Tu Alid Alfonso ng BMN, sinabi ng OOBC na may mga Bangsamoro ang nakararanas ng diskriminasyon at pakiramdam na sila’y naiiwan sa labas ng BARMM.

Sa Lanao del Norte, may mga ulat ng diskriminasyon sa pamimigay ng ayuda ng ilang mga munisipyo na sakop nito ngunit hindi na ito binanggit ng mga speakers. Anila, napag-iwanan ang Bangsamoro sa naturang lalawigan dahil hindi lahat ng Moro sa lugar ay nabiyayaan ng tulong.

Sa loob ng RA 11054 o Bangsamoro Organic Law (BOL) ay tinitiyak ng national government, katuwang ang OOBC, ang proteksyon ng karapatan ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM.

Sinabi ni Michael A. Berwal, Development Management Officer I ng OOBC na mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga stakeholder upang makapagbigay ng nararapat na tulong.

Kanila ding sinabi na sa kabila ng mga hamon sa transisyon, patuloy ang OOBC sa pakikipag-ugnayan at paghahanap ng mga development partners upang mas mapalawak ang kanilang maabot. Isa sa mga kasalukuyang sumusuporta sa OOBC ay ang Subatra, na tumutulong sa kapasidad na pag-unlad ng opisina. Ang Asia Foundation (TAF) ay katuwang din sa pagbibigay ng tulong sa mga komunidad ng Bangsamoro.

Ang OOBC ay nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng formal coordination letters at social media platforms gaya ng Facebook.

Sa kabuuan, ang OOBC ay patuloy na nagsisikap na tiyakin ang pantay na pagtrato at proteksyon ng karapatan ng mga Bangsamoro sa labas ng BARMM, sa pamamagitan ng masusing pakikipag-ugnayan at patuloy na paghahanap ng mga katuwang sa pag-unlad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Bangsamoro Scholars, Pinarangalan sa Mass Graduation Ceremony ng BSPTVET
Next post MBHTE, Nagsagawa ng Groundbreaking ceremony para sa PhP75.9M na Gusali ng Paaralan at Training Center sa BARMM