MSSD Nagsagawa ng Pagsusuri sa Kalagayan ng mga IDPs sa Matanog, Maguindanao del Norte

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-5 ng Agosto, 2024) — Nagsagawa ng mahalagang pagsusuri ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa mga Internally Displaced Persons (IDPs) matapos ang mga kamakailang pagbaha. Sa ngayon ay pansamantalang nananatili ang mga ito sa  evacuation sa Brgy Bugasan Sur, Matanog, Maguindanao del Norte noong Hulyo 29, 2024.

Ang pagsusuri ay pinangunahan ni MSSD Director General Atty. Mohammad Muktadir Estrella at ng Maguindanao Provincial Social Welfare Officer na si Hadja Emma Ali upang tingnan ang kasalukuyang kalagayan ng mga IDPs, tukuyin ang agarang pangangailangan, at magbigay ng kinakailangang suporta.

Ang mga opisyal ng MSSD kasama ang mga lokal na lider, kabilang sina Mayor Zohria Bansil-Guro at Vice Mayor Sanaira Ali-Imam, ay nakipagpulong bago ang pagsusuri upang talakayin ang patuloy na suporta at ipakita ang mga programa ng Ministry para sa mga naapektuhan ng pagbaha.

Ipinaabot naman ni Mayor Guro ang pasasalamat sa MSSD at sa Bangsamoro Government, “Ang MSSD ang isa sa mga ahensya na mula noong first day pa lang ng kalamidad ay nandito na. Maraming salamat sa Bangsamoro Government dahil nararamdaman naming hindi kami nag-iisa sa ganitong panahon.”

Binigyang-diin ni Director General Estrella sa kanyang pagbisita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga nakahandang relief goods para sa mabilis na pagtugon sa mga sakuna. “The ministry will strengthen its commitment to uplift the lives of the Bangsamoro, prioritize their safety and welfare, and learn valuable lessons from calamity responses,” pahayag ni DG Estrella.

Ayon sa impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, ang mga kamakailang pagbaha ay nagpalikas ng 1,177 na pamilya at nagdulot ng maraming pinsala sa mga tahanan at kabuhayan.

Patuloy namang mino-monitor ng MSSD ang sitwasyon ng mga IDPs. Sa kanilang kamakailang pagsusuri, tinukoy ang kalagayan ng mga tent, pangangailangan sa kabuhayan, pasilidad sa tubig, sanitasyon, at kalinisan (WASH), at pangkalahatang kondisyon ng lugar ng evacuation.

Nagsagawa naman ng debriefing session ang MSSD sa regional office matapos ang mga pagbisita upang repasuhin ang mga natuklasan at talakayin ang mga karagdagang interbensyon sa lipunan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga displaced na pamilya. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post PASAD Program ni MP Antao, Matagumpay na Nagsilbing Tulay sa Pag-aayos ng alitang Melicano-Dalandang
Next post BMN, OCM-OOBC Sign MOA to Promote BARMM Services for Communities Beyond the Bangsamoro Region