900 Iskolars nagtapos sa ilalim ng Bangsamoro Scholarship Program sa Sulu
COTABATO CITY (Ika-31 ng Hulyo, 2024) — Matagumpay na nagtapos ang mahigit kumulang 900 iskolar mula sa iba’t ibang kurso sa ilalim ng Bangsamoro Scholarship Program (BSP) ng MBHTE’s Technical Education and Skills Development (TESD). Ang seremonya ay idinaos sa College of Technology Covered Court sa Tanjung, Indanan, Sulu noong ika-27 ng Hulyo, 2024.
Ang programa ay nilahukan ng 625 iskolar mula sa iba’t ibang pribadong institusyon at 275 iskolar mula sa Provincial Training Center ng Sulu.
Ang mga kursong kanilang natapos ay kinabibilangan ng Electrical Installation and Maintenance NC-III, Driving NC-II, Shielded Metal Arc Welding NC-II at NC-III, Cookery NC-II, Dressmaking NC-II, Plumbing NC-II, Technical Drafting NC-II, Computer System Servicing NC-II, Agricultural Crops Production NC-II, PV System Installation NC-II, Bread and Pastry Production NC-II, at Bookkeeping NC-II.
Ang seremonya ay dinaluhan ni Bangsamoro Director General ng TESD Ruby Andong, at ni Ammier M. Dodo, miyembro ng Executive Committee of Basic Education ng MBHTE. Nakiisa rin sina Matarul M. Estino, miyembro ng Bangsamoro Parliament, kinatawan ng Regional Director ng NCMF R-IX-B, ilang miyembro ng PTESD-Sulu, at mga administrador ng iba’t ibang training institution sa lalawigan ng Sulu.
Isa sa mga tampok ng seremonya ay ang pamamahagi ng Training Support Fund sa lahat ng mga iskolar, na ikalawang beses nang isinagawa ng TESD-Sulu Provincial Office ngayong taon, matapos ang unang batch noong ika-24 ng Hulyo, 2024.
Ang pagtatapos ng mga iskolar sa ilalim ng Bangsamoro Scholarship Program ay nagpatunay ng kanilang dedikasyon at pagsusumikap. Layunin ng BSP na mapataas ang antas ng kasanayan ng mga Bangsamoro at magbigay sa kanila ng mga pagkakataon para sa mas magandang kinabukasan. Sa pamamagitan ng mga programang ito. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)