94,395 Katao Apektado ng Baha sa BARMM dahil sa Patuloy na Pag-ulan
COTABATO CITY (Ika-15 ng Hulyo, 2024) — Ibinahagi ni Bangsamoro READi Emergency Operations Division Chief Jofel Delicana na umabot na sa 94,395 katao mula sa 343 barangay sa Maguindanao Del Sur, Maguindanao Del Norte, at SGA BARMM ang lubhang naapektuhan ng baha dulot ng patuloy na nararanasang pag-ulan sa ibat ibang bahagi ng Rehiyong Bangsamoro. Ito’y pahayag na ginanap sa Press Conference sa tanggapan ng BARMM READi noong Linggo ika-14 ng Hulyo.
Ayon kay Delicana, isa sa mga pangunahing hamon na kanilang kinakaharap ay ang pagbibigay ng agarang impormasyon at tulong sa mga residente, lalo na sa mga malalayong lugar. Dagdag pa niya, ang kakulangan ng komunikasyon ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad nakakapag padala ng rescue teams sa mga apektadong lugar.
Sa kabila nito tiniyak naman ni Delicana na sisikapin ng BARMM READi na makapagpadala ng rescue sa mga lugar sa rehiyon na patuloy ring nakararanas ng matinding pagbaha dulot ng patuloy na pag-ulan.
Sa kanyang panawagan, hinikayat ni Delicana ang lahat ng mamamayan na maging alerto, magtulungan, at makinig sa mga bagong update mula sa mga kinauukulan. (Badria L. Mama MSU-Maguindanao OJT ABIS Student, BMN/BangsamoroToday)