Chief Minister Ebrahim, Pinangunahan ang Oath-taking ng mga OIC Municipal Mayors, Vice Mayors at Councilors ng BARMM Special Geographic Areas
COTABATO CITY (Ika-13 ng Hulyo, 2024) — Pinangunahan ni BARMM Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” B. Ebrahim ang panunumpa ng mga Officer-in-Charge (OIC) Municipal Mayors, Vice Mayors, at Councilors ng Special Geographic Areas (SGA) araw ng Sabado, ika-13 ng Hulyo sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC), Bangsamoro Government Center, dito sa Lungsod.
Ang seremonya ay bilang bahagi ng patuloy na pagpapatibay ng pamahalaan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ang bagong talagang OIC Mayors sa Pahamudin ay si Mayor Badrudin Ebrahim, sa Kadayangan ay Mayor Duma Mascod, sa Nabalawag Mayor Anwar Saluwang, sa Old Kaabakan Mayor Demat Pedtemanan, sa Kapalawan Mayor Norman Inalang, sa Malidegao Mayor Malaidan Arnal, sa Tugunan Mayor Abdullah Abas, at sa Ligawasan ay si Mayor Ismael Mama, kasama ang kani-kanilang mga Vice Mayors at Councilors, ay nagtipon upang manumpa sa kanilang mga tungkulin.
Nagpaabot ng pagbati at paalala sa mga bagong talagang lider sa DGA si Chief Minister Ebrahim.
“I am glad to congratulate you all on this historic occasion of oathtaking ceremony as officers in charge of Eight (8) newly created municipalities in the Special Geographic Area. This ceremony today signifies your leadership deeply rooted in our advocacy of moral governance and our aspirations to be an empowered, cohesive, and progressive Bangsamoro,” wika ni Chief Minister Ebrahim.
“Ang ating pagkakaisa ay siyang ating lakas kaya’t patuloy tayong magkaisa upang harapin ang mga hamon sa mga susunod na araw ng ating paglilingkod sa Bangsamoro. Tayong lahat ay naghahangad ng magandang buhay at masaganang pamayanan para sa lahat kaya’t magtulungan tayo para sa kapakanan ng Bangsamoro, sa Special Geographic Area tungo sa pagkamit ng wagas na kapayapaan at kaunlaran,” ani Chief Minister.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinimok ni Chief Minister Ebrahim ang mga bagong talagang opisyal na magsilbi nang tapat sa nalalabing buwan ng kanilang panunungkulan bago ang nakatakdang halalan sa 2025.
“Ako ay umaasa na sa loob ng natitirang buwan ng inyong panunungkulan, bago ang nakatakdang halalan sa 2025, kayo ay magserbisyo nang tapat kasama ng pamahalaang Bangsamoro. Magkaisa nawa tayong lahat para sa ikabubuti ng susunod na mga henerasyon. Bilang panghuli, dinadalangin ko sa Allah na gabayan kayo sa inyong bagong katungkulan. Congratulations,” mensahe ni Chief Minister Ebrahim.
Ang seremonyang ito ay simbolo ng patuloy na pag-unlad at pagkakaisa sa rehiyon ng Bangsamoro, sa ilalim ng pamamahala ng mga bagong talagang lider na may pusong maglingkod para sa ikabubuti ng kanilang mga komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)